fbpx

PAGNINILAY PARA SA MARANGAL NA BOTO NG IFI

PANIMULA

Kami, ang mga kaparian at layko ng Iglesia Filipina Independiente (IFI), sa aming pakikilahok sa Eleksiyon sa Mayo 2022, ay ipinapahayag ang aming ministriya nang pagpapatotoo.

Sa aming pagpapatotoo, kami ay ginagabayan ng kahulugan ng IFI: “Ang IFI ay isang kalipunan ng mga panibagong tao na nahasik at pinalaya ng katuruan ni Kristo, itinalaga sa pagsamba sa Diyos sa espiritu at katotohanan, hinubog at binuhay ng Eukaristiya, at itinalaga upang magpatunay (magpatotoo) sa pag-ibig ng Diyos sa mundo.”

Kami, bilang patotoo sa pag-ibig ng Diyos sa buhay ng mga Pilipino, ay maglulunsad ng isang kampanyang edukasyong panghalalan; na bumoto sa mga kandidatong may kakayahang mamuno ng ating bansa; at maglingkod bilang taga-bantay upang matiyak ang isang malinis, matapat, at mapayapang eleksiyon.  Ang ating mga layko ay pagkakalooban ng isang pag-aaral upang makalahok sa tamang pagboto at sa kampanyang pang-eleksiyon, at gayundin ang maka-paglingkod bilang taga-bantay (poll-watchers).

Sa pagkakataong pumalpak o magkaroon nang nabigong halalan (“failure of election”) dahil sa kaduda-dudang resulta bunga nang malawakang pandaraya at panlilinlang na aming nasaksihan, nararapat lamang bilang mga saksi na magkapit-bisig kami na sumama sa protesta at naaayong pagkilos. Ipadarama namin ang aming galit at pangamba at ipahihiwatig sa pamamagitan nang paghahain ng sakdal, at pagsama sa lakad-protesta para sa katotohanan, katapatan, at katarungan. Ang mga hakbang na ito ay aming ipatutupad dahil sa ang aming boto ay sagrado, at ang botong ito’y kalooban ng tao at ang aming boto ay tinig ng Diyos. 

Sa aming ministriya ng pagsaksi, kami ay gagabayan ng Banal na Aklat na nagpapaliwanag na ang mga kandidatong may mabuting katangian ang dapat ihalal o piliin para maglingkod bilang mga pinunong taga-pangasiwa at taga-pagbatas. Susuriin at pipiliin nating mabuti ang pinunong may angkop na kakayahan na maglingkod sa Diyos at sa mahal nating bayang Pilipinas.  

Inaasahan nating ang Eleksiyon 2022 ay makapagtatag ng isang pamahalaang naglilingkod sa Diyos at bayan.  Ang IFI ay may lakas at paninindigan na lumahok sa Halalan 2022 na may kampanyang sawikain: “IFI Boto na May Dangal sa Mayo 2022” (“IFI Vote for DIGNITY in May 2022”). 

D = Defense of human rights and sovereignty 

(Pagtatanggol ng karapatang pangtao at dakilang kapangyarihan o sobereniya)

I  = Independent foreign policy and protectionist economy

(Pansariling patakarang pandaigdigan at pansariling pagtangkilik ng ekonomiya)

G = Good governance and moral leadership

(Mabuting pamamahala at malinis na pamumuno)

N = National industrialization and genuine agrarian reform for just and lasting peace

(Pambansang industriyalisasyon at makatotohanang repormang pang-agrikultura para sa makatarungan at panghabang-panahong kapayapaan) 

I  = Integrity of creation and national patrimony

(Kalikhaang-dangal at pambansang kasarinlan)   

T = Truth, transparency, and accountability

(Katotohanan, kaliwanagan, at pananagutan)

Y = Youth-oriented development and nation-building

(Maka-kabataang pag-unlad at pagkakasa-bansa)

Alalahanin natin na ang ating bansa, sa kasalukuyan at darating pang panahon, ay tigib ng maraming krisis at sigalot ng buhay.  Ang Covid-19 pandemic ay nagbunyag nang masamang  sistemang pangkalusugang pampubliko. Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.  Ang mga magsasaka, mga manggagawang-bukid, at mga mamamalakaya ay patuloy na dumaranas nang hirap dahilan sa kawalan ng sariling lupang-sakahan at kakulangang ayudang-pansaka at patuloy na paglaganap nang inaangkat na bigas at gulay. Ang mga manggagawa at suwelduhang-kawani ay nabibigatan sa ENDO (contractualization), hindi makatarungang sahod, at pagbawi ng karapatang pangmanggagawa at benepisyo. 

Ang mga mahihirap na taga-lunsod, na walang permanenteng tahanan, ay nanganganib ang buhay dahil sa pagwasak ng pamahalaan ng kanilang mga tirahan. Ang mga OFWs ay umaasa lamang sa pamahalaan sa minsang pabago-bagong patakarang-pangmanggagawa. Ang mga katutubo at Moro ay hindi mapanatag sa kanilang mga lupang-tirahan dahil sa kampanyang laban sa terorista ng pamahalaan at patuloy na pananalakay nito. Ang pandarambong ng ating mga minahan at katubigan ay bunga nang pagpapalawig ng paggamit nito na pinahintulutan ng pamahalaan.

Ang Pangulong Duterte ay ayaw ipagtanggol ang soberanya ng bansa at ng kanyang kasarinlan.  Ang ating pandaigdigang relasyon ay nagtataguyod at kumikilala sa mataas na antas ng kagalingan ng Estados Unidos habang niyayakap naman ang panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas.  Ang ating mga aktibista ay nakararanas ng karahasan, abuso, at bantang-pananakot, at ang iba ay ipinapapatay pa.

Nahahati ang mga Pilipino dahil sa mga krisis na ito, na lalong pinalala ng pamahalaan sa kanyang kasundaluhan.  Ang kampanya ng gobiyerno laban sa terorista ay naging bukal ng kaperahan para sa mga pulitiko at kapulisan. Ang krisis ng ekonomiya ay lalo pang pinaigting nang kapalpakan ng pamahalaan na patigilin ang katiwalian sa iba’t-ibang ahensiya ng gobiyerno at opisina ng kapulisan.  Kahit na ang mga partido ng pulitiko at mga pulitiko mismo ay nag-aaway-away upang sagipin at protektahan ang kanilang yaman, negosyong pangkalakalan, at pwesto sa gobiyerno.  Ang pagtataltalan ng mga pulitiko ay nagbubunga ng isang krisis sa pulitika. 

Samakatuwid, ang Halalan 2022 ay isang panukalang gawain ng mga nakararaming Pilipino, Simbahan, lider-sibiko, at mga namumuhunan upang sagipin ang Pilipinas. Maraming tao ang naniniwala na ang mabuting pamamahala ay magbubunga mula sa Halalan 2022 at ang usapang pangkapayapaan ay lulutas sa mahigit na 50 taong sigalot-sibil o armadong tunggalian.  Sa kabilang banda, ang mga sundalong Pilipino na may gawad-tulong ng Estados Unidos ay maaaring hadlangan ang proseso ng halalan upang matiyak na walang maka-bayang kandidato o progresibo at mula sa party-list ang magwawagi sa halalan.

Mahalaga ang boto ng isang matapat na mamamayan. Ang Kristiyanong naliwanagan sa pagboto ay magbibigay ng pag-asa para sa pagbabagong-anyo ng pamayanan.  At kaakibat nito, ang boto ng mga matapat na anak ng Diyos ay pahiwatig ng galit at pagtuligsa sa mga bulok na sistemang pulitika ng ating bansa. 

Kami, sa IFI, ay tutulong sa abot naming makakayanan sa Halalan 2022.  Ang IFI ay maaaring magbigay ng Liham Pastoral (Pastoral Letter) at Gabay para sa mga kasapi ng IFI. Ang Gabay ay makatutulong sa pagpapasiya kung sino ang iboboto.  Nawa’y ang pagninilay na ito ay maging umpisa nang mabuting proseso nang pagpili.

IFI BOTO NA MAY DANGAL – Ang kampanyang sawikain (campaign slogan) ay ang sumusunod: “IFI VOTE FOR DIGNITY”. 

Sa Simbahan, ang isang mabuting pinuno ay may paninindigan sa mga sumusunod na katangian:

D
I
G
N
I
T
Y

D – DEFENSE OF HUMAN RIGHTS AND SOVEREIGNTY

PSALMO 82:3
1 MGA HARI 21 – ANG UBASAN NI NABAT

PAKSANG TALAKAYAN:

  • Paglabag sa karapatang pantao
  • Ligtas sa parusa at Paniniil (o kalupitan)
  • Saligang-Batas (o Konstitusiyon ng Pilipinas) – Seksiyon 11

I – INDEPENDENT FOREIGN POLICY AND PROTECTIONIST ECONOMY

MGA TAGA-GALACIA 5:1
PSALMO 119: 44-45
2 MGA TAGA-CORINTO 3:17

PAKSANG TALAKAYAN:

  • West Philippine Sea – Pakikialam o Panghihimasok ng China
  • Globalisasiyon

G – GOOD GOVERNANCE AND MORAL LEADERSHIP

ANG MANGANGARAL 28:15-26 – Huwag pumili ng isang masamang pinuno.
ANG MANGANGARAL 26:18-28 – Huwag pumili ng isang pinuno na may lapastangang bibig at malupit na puso.
SANTIAGO 4:6-10 – Huwag pumili ng isang mayabang na pinuno.
MGA TAGA-ROMA 13: 1-7 – Sumunod sa pamahalaan na masunurin sa Diyos.
1 TIMOTEO 2:1-6 – Ipanalangin ang mga pinuno (Panalangin ng Bayan).

PAKSANG TALAKAYAN:

  • Ang mabuting pamamahala ay may 8 mahalagang katangian:  pakikilahok ng lahat; pinagkaisahan (o pinagkasunduan) ng lahat; may pananagutan; may kaliwanagan; mapagkakatiwalaan; mabisa at may kakayahan; magkakapantay-pantay at kasama lahat; na nakabatay sa batas (United Nations Economic and Social Commission for Asia and the Pacific).  
  • Ang mga patakarang pampamahalaan na hindi isinangguni sa mga tao ay nawawalan ng kakayahan at laban sa kalooban ng tao.
  • Mga pinuno na naging masamang huwaran (modelo) sa publiko at “social media”

N – NATIONAL INDUSTRIALIZATION AND GENUINE AGRARIAN REFORM FOR JUST AND LASTING PEACE

ANG MANGANGARAL 27: 23-27 – Ang mga pinuno ay dapat na tiyakin ang matatag na pagkabuhay na ekonomiya para sa mga tao.
MATEO 14: 13-21 – Magtatag at ayusin upang matiyak na ang mga tao ay pinakakain.
MATEO 29:1-16 – Pangkabuhayang sahod
MATEO 5: 9 – “Pinagpala ang mga ….
SANTIAGO 3:18 – “Peacemakers …. 

PAKSANG TALAKAYAN:

  • Usapang pangkapayapaan
  • Repormang panlipunan at pang-ekonomiya
  • Karapatan ng mga manggagawa
  • OFWs – dahilan ng pangingibang-bansa na nagpapalala ng ekonomiya sa Pilipinas

I – INTEGRITY OF CREATION AND NATIONAL PATRIMONY

GENESIS 1:28-31
GENESIS 2:15

PAKSANG TALAKAYAN:

  • Lumalalang karahasan
  • Mining Act of 1995
  • Pagkasira ng Kalikasan o Kapaligiran
  • Dam ng tubigan
  • Mga bagay tungkol sa katutubo

T – TRUTH, TRANSPARENCY, AND ACCOUNTABILITY

JUAN 8:31-32 
MGA TAGA-COLOSAS 3:23-25

PAKSANG TALAKAYAN:

  • Korupsiyon at ligtas (iwas) sa parusa
  • Checks and balances sa pamahalaan
  • Dinastiyang pamilya o paghahari ng isang pamilya 

Y – YOUTH-ORIENTED DEVELOPMENT AND NATION-BUILDING

JEREMIAS 1: 4-10
1 TIMOTEO 4:12-16
MATEO 18:1-6

PAKSANG TALAKAYAN:

  • Pagsali ng kabataan sa pag-unlad ng bayan
  • “Social Media” para sa kabataan
  • Karapatang pangkabataan
  • Maka-bayan, maka-siyensiya, maka-masa, maka-taong pag-aaral

PANGWAKAS

  • Ang Gabay sa Halalan 2022 ay nakabatay sa ating pang-unawa sa Misyon ni Hesukristo sa Lucas 4:16-21 – na ang mga kandidato ay naninindigang maglingkod sa mga anak ng Diyos at sisikaping maisakatuparan ang diwang-pananaw, misyon, at ministriya ni Hesukristo.
  • Kinakailangan sa mga pinunong pulitiko ang mga tunay na naninindigang maglingkod sa mga mahihirap; hindi lamang para makuha ang kanilang boto. 
  • Ang mga pinunong ito ay isusugo ang Mabuting Balita sa mga mahihirap, upang mahango at mapalaya sila sa lugmok ng kabuhayan.
  • Ang mga pampublikong lider ay kailangan tulungang mahango ang mga tao mula sa pagkabilanggo sa kawalan ng katarungan, mga gawa-gawang kaso laban sa kanila, at sa pagkalulon sa krimen bunga ng kahirapan at pagkawalang pagkakataong umunlad sa gitna ng kasaganaan ng iba.
  • Ang pagkawalan ng lupang-paisano ay isang mapagpahirap na pang-aapi, kung kaya’t ang isang tunay na repormang panglupa ay kailangang ipatupad na.
  • Ang mga mapagpahirap na patakarang pang-ekonomiya – Endo, hindi pantay-pantay na sahod, atbp. – ay humahadlang sa pag-unlad ng pamumuhay ng mga manggagawa kung kaya’t ang susi ay ang isang pambansang programa na pangkalakalan.
  • Ang mga Pilipino ay nasisiil bunga ng hindi pantay-pantay na patakarang pandaigdigan, kaya’t nangangailangan nang tunay na kalayaan at proteksiyon ng ating pambansang kasarinlan.
  • Ang tunay na repormang panglupa, pambansang pangangalakalan, at pandaigdigang pakikitungo ay mga isyo ng usaping pangkapayapaan sa gitna ng GRP at NDFP.  Ang mga kandidatong mahahalal ay nangangailangang suportahan ang mga usaping ito at isulong sa magkabilang panig ang pagpapatuloy ng diyalogo.

 

(Mula sa Lathala ng Obispado Maximo; isinalin sa wikang Pilipino ni Padi Vicky Esguerra.)

 


 

Pin It

●●●●●