IFI Botong May Dangal sa Mayo 2022
Ang Iglesia Filipina Independiente (IFI) ay may lakas at paninindigan na lumahok sa Halalan 2022 na may kampanyang sawikain: “IFI Boto na May Dangal sa Mayo 2022” (“IFI Vote for DIGNITY in May 2022”).
D = Defense of human rights and sovereignty
(Pagtatanggol ng karapatang-pantao at dakilang kapangyarihan o sobereniya)
Ang karapatang mabuhay (right to life), karapatang-dangal ng tao (right to human dignity), at karapatang umunlad ng tao (right to human development) ay iilan lamang sa mga mahahalagang karapatang-pantao na dapat ipagtanggol. Ang buhay ng tao ay walang saysay kapag hindi iginagalang ang kanyang dangal, at mayroon itong dangal kung mabibigyan siya ng: (a) pagkakataong magkaroon ng sariling ari-arian na kanyang pauunlarin; (b) mabuting edukasyon na magbabago ng kanyang pamumuhay; at, (c) trabaho o hanap-buhay na mag-aangat sa sarili.
Magkakaugnay ang karapatan sa buhay, dangal, at pag-unlad ng tao. Ang mga karapatang-pantao ay dakilang lakas upang maitaguyod ang karapatang pangkabuhayan, pagkakaroon ng dangal, at pagsagana tungo sa kaunlaran. Sa Pilipinas, kailangan ang mga ito’y ipaglaban at ipagtanggol. Ang dakilang kapangyarihan ng mamamayan ay mahalagang ambag upang maranasan ng bawat tao ang paggalang sa kanyang mga karapatan at maranasan bilang isang buong bansa ng mga Pilipino ang karapatan ng pagsasarili at karapatan ng sariling pagpapasiya.
I = Independent foreign policy and protectionist economy
(Pansariling patakarang pandaigdigan at pansariling pagtangkilik ng ekonomiya)
Ang mga karapatang-pantao, kabuhayan, at kalayaan sa pulitika at ng bayan ay mahalaga sa mga Pilipino. Ang pansariling patakarang pandaigdigan at pansariling pagtangkilik ng ekonomiya ay mga makabayang layunin at gawain. Subalit, alam kaya ng karamihan sa atin na ang patakarang pandaigdigan ng Pilipinas ay nakasalalay sa tatlong haligi: (1) pangangalaga ng katiwasayan ng bansa mula sa pananakop o pananakot ng ibang bansa; (2) kaligtasan ng mga OFWs at katiyakan nang pagtataguyod ng kanilang kapakanan at karapatang-pantao; at, (3) katiyakan ng kaligtasan mula sa gutom ng mga tao at pagpapahalaga sa bunga ng kanilang pinagpawisan sa ekonomiya.
Dapat itaguyod, ipaglaban at ipagtanggol ang mga ito para sa mga mamamayang Pilipino mula sa pamumuno ng Pangulo ng ating bayan. Ang mga namumuno ng ating bansa ay hindi dapat magumon sa kapangyarihan mula sa mga dayuhan. Bilang mga taga-panguna ng mga tao, kailangang buong puso’t walang pag-aalinlangan na itataguyod nila ang pambasang kapakanan at kagalingan ng mamamayang Pilipino.
G = Good governance and moral leadership
(Mabuting pamamahala at malinis na pamumuno)
Sa pagtataguyod ng isang malayang bayan ay mahalagang unahin at isaalang-alang ang mga karapatan, kagalingan, at kapakanan ng mamamayang Pilipino na naka-salalay sa mabuting pamamahala at malinis na pamumuno. Sa mga pamamaraang ito, ang mga namumuno ay may karapatang magsalita at lumaban sa katiwalian kung sila mismo ay walang bahid ng katiwalian. Ang sinumang hindi nasangkot sa mga maanumalyang transaksyon ng mga proyekto ay may karapatang mamuno ng ating bayan. Ang marunong tumindig sa tama, interes, kagalingan at kapakanan ng mga Pilipino laban sa pagtatangi, pang-aabuso, pagsasamantala, at pang-aapi ay may karapatang mamumuno ng ating bayan. Ang mabuting pamamahala at malinis na pamumuno ay dapat ipinaglalaban ang mga mamamayan. Malaking tulong para sa mga mahihirap na mamamayan kung ang mga namumuno ay ipinaglalaban o ipinatutupad ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
N = National industrialization and genuine agrarian reform for just and lasting peace
(Pambansang industriyalisasyon at makatotoong repormang pang-agrikultura para sa kapayapaang makatarungan at panghabang-panahong)
Ang programa ng Gobyerno para sa pambansang industriyalisasyon at makatotoong repormang pang-agrikultura o agraryo ay dapat patigilin ang malawakang pagkamkam ng lupa at sapilitang pag-alis o paglikas ng mga magsasaka sa kanilang lugar. Dapat pamunuan ng Gobyerno ang pagwasak ng monopolyo sa lupa at malayang ipamahagi ito sa mga taong nais magbungkal ng lupa.
Sa isang programa sa repormang agrikultura o agraryo ay dapat makarating ang pag-unlad sa kanayunan na nakapaloob ang mga sumusunod: (a) sapat at abot-kayang sistema ng irigasyon; (b) mga maayos na kalsada para sa mabilis na daloy ng mga produkto patungo sa mga palengke; (c) siyentipikong kakayahan para sa maayos na pagsasaka; (d) mga maka-bagong teknolohiya para sa maunlad na pagsasaka; (e) pasilidad (kamalig o bodega) para sa mga ani. Ang repormang agrikultura o agraryo ay dapat humantong sa pag-unlad ng mga magsasaka at kanayuan, tungo na rin sa industriyalisasyon at mabuting pagproseso ng mga produkto, at sa kabuuan, ang pag-angat ng kabuhayan ng mga mamamayan.
Ang pag-unlad ng kanayunan ay kaakibat nang pagsasabansa ng mga pampublikong kagamitan at pasilidad; na salungat sa programang pambansang industriyalisasyon o Public Service Act na kailan lamang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Sa batas na ito pwede nang magmay-ari nang buong-buo (100%) ang mga dayuhan sa mga pampublikong serbisyo sa bansa tulad ng paghahatid ng kuryente, produktong petrolyo, serbisyong-tubig, imburnal (alkantarilya), daungan, at pampublikong sasakyan. Ang Public Service Act ay labag sa pambansang industriyalisasyon at makatotohanang repormang pang-agrikultura para sa kapayapaang makatarungan at panghabang-panahon.
I = Integrity of creation and national patrimony
(Kalikhaang-dangal at pambansang kasarinlan)
Ang pagbabagong-klima ay isang pangunahing isyu na nararapat pagtuunang pansin at pagkilos upang matagumpay na makamit ang adhikaing kalikhaang-dangal at pambansang kasarinlan. Ang ating bansa ay dapat isulong, pagtibayin, at ipatupad ang mga sumusunod: (a) mga pambansang batas, pamantayan, at patakaran na magtataas-antas nang pangangalaga ng kapaligiran; (b) pagkilala ng karapatan ng bawat bansang magpasa nang sariling alituntunin sa pangangalaga ng kapaligiran at mga kaukulang layunin nito; (c) palakasin ang kasunduan sa mga kooperatiba na nagbibigay-diin at isinusulong ang malinis na hangin; (d) mabisang kakayahang makakuha nang ligtas na tubig at mga serbisyong-pangkalinisan; at, (e) palakasin ang kapasidad pangrehiyon at pambansa upang sama-samang mapamahalaan ang katubigang-yaman at basurang-pangingilak.
Ang mabuting pamamahala tungkol sa kapaligiran ay dapat ipatupad sa lokal na pamayanan, na nagbabahaginan ng kaalaman sa teknolohiyang pangkapaligiran at tamang pakikipagkasunduan upang mabilisang mailipat ang angkop na teknolohiya. Ito ay magpapabilis, magpapalakas, at magpapatatag ng kapasidad ng serbisyong-lokal ng mga institusyon.
Dapat ding isulong at pagtibayin ang mga tunay na agarang aksiyon tungo sa pagpapatupad ng mga programa at proyektong magtataguyod ng kalikhaang-dangal at pambansang kasarinlan. Mahalagang makipag-ugnayan at makipagtulungan sa iba’t-ibang bansang nagsusulong din nang magkatulad na layunin tungkol sa kapaligiran, at tumatanggi sa mga may hangaring manira ng kalikasan at magdarambong ng yaman ng ibang bansa.
T = Truth, transparency, and accountability
(Katotohanan, kaliwanagan, at pananagutan)
Ang mabuting pamamahala ay nakikilala kung may katotohanan, kaliwanagan, at pananagutan sa lahat nang antas ng paglilingkod. Ang paglahok ng publiko o mamamayan ay itinataguyod upang mayroong tunay na pagsusuri at kaliwanagan na binibigyang halaga. Upang makamit ang layuning ito, dapat paghiwalayin ang kapangyarihan ng bawat antas ng ahensiya ng Gobyerno; at palakasin ang mga teknolohiyang nagsisiwalat ng kaalaman at pagbabalita.
Ang pakikipag-ugnayan ng mga pambansang ahensiya at pamahalaang-lokal at kasanayan para sa paghahanda, paglalahad, pagsusuri (audit), at pangangasiwa ng mga pampublikong lathalain ay nararapat bigyang-diin at isulong nang agaran. Ang mga teknikal na kaalamang tumutulong sa pangangasiwa at may kaugnayan sa pangangalap, alokasyon, at paggasta ng mga pampublikong pondo ay nararapat siyasatin at pag-aralan o isangguni mula sa mga nakakaalam.
Para sa mabuting daloy ng impormasyon at pagtataguyod ng karapatang-pantao, kailangang mabatid ng mga mamamayan ang pagpapatupad ng batas tungkol sa Kalayaan ng Impormasiyon upang mapadali ang pagkuha ng anumang datos na may kaugnayan sa pamamalakad ng pamahalaan at masusing mapag-aralan upang matukoy ang maaaring nakakubling katiwalian.
Sususgan ang mga proseso ng pagsisiwalat ng mga programang teknikal at pinansiyal upang madaling makilahok ang mga mamamayan sa katotohanan, kaliwanagan, at pananagutan sa kaban ng bayan. Pabilisin ang paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan ayon sa itinakdang panahon at ilathala ang natapos na gawain para mabigyang-daan ang publiko na suriin ang kalidad nito at mapanagot ang sinumang sangkot sa katiwalian.
Y = Youth-oriented development and nation-building
(Maka-kabataang pag-unlad at pagkakasa-bansa)
Ang kabataan ay ang kinabukasan ng bayan para sa pagbabago at pag-unlad. Kailangang bigyang halaga ang kanilang pagsama at pagkilos para sa isang matatag na pamahalaan. Makabuluhan ang kanilang pakikilahok kung sila ay mabibigyan ng kalidad na edukasyon na makatitiyak nang mabuting trabaho at pag-unlad ng buhay. Ang pakikipag-ugnayan ng mga kapisanang panlipunang-sibil at pampublikong sektor upang magsulong ng mga gawain para palakasin ang papel ng mga kabataan sa lipunan ay nararapat tutukan at pahalagahan.
Kabilang sa mga patakarang pangkabataan ay ang edukasyon sa mga may tamang edad na -- karunungang bumasa't sumulat -- habang nagbibigay rin ng mga alternatibong pamamaraan na makatugon sa mga napagkaitang bahagi ng populasyon o nasa laylayan ng lipunan (hindi kasama sa mga sistema ng pormal na edukasyon), partikular na sa mga batang babae, minorya, katutubo, at may mga pangangailangang-espesyal na edukasyon, o napatigil sa pag-aaral dahil sa kahirapan.
Tiyakin ang edukasyong-sekondarya ay makatutugon sa lumalagong pangangailangan ng merkado sa pamamagitan nang pag-aalay nang iba’t-ibang uri ng programang napapaloob ang agham, teknolohiya, impormasyon at taga-pagbalita, atbp., kalakip ang tamang kasanayan at katibayan (certificate) ng paglahok o pagtatapos.
Ang mga kabataan ay nahaharap sa nagbabadyang tunggalian sa buhay at nararapat lamang mahimok upang magpatuloy sa panghabang-buhay na pag-aaral sa iba’t-ibang kursong may kaugnayan sa buhay na may kaakibat na kasanayan, malikhaing mekanismo, teknolohiyang impormasyon, paglagong-personal at pag-unlad panlipunan, at paglahok sa mga gawaing sibiko upang tunay na maging kapaki-pakinabang na mamamayan. Ang puhunan sa pagpupunla sa kanilang kinabukasan ay uusbong sa magandang kinabukasan ng ating Inang Bayan.
(isinalin sa wikang Pilipino ni Padi Vicky Esguerra.)