fbpx

August 16, 2020

LINGGO, AGOSTO 16, 2020
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ika-11 na Linggo Pagkatapos ng Pentekostes (A) 

Pambungad na Panalangin

O Diyos na makapangyarihan sa lahat, ibinigay mo ang iyong bugtong na Anak upang magsilbing sakripisyo sa aming kasalanan, at maging halimbawa ng maka-Diyos  na pamumuhay: Bigyan mo po kami ng biyaya upang tanggapin ang bunga ng kanyang ginawang pagliligtas upang patuloy kaming makasunod sa mga yapak ng Kanyang banal na buhay; sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon, na nabubuhay at naghaharing kkasama Mo, at ng Espiritu Santo, iisang Diyos ngayon at magpakailanman. 

 

UNANG PAGBASA
Isaias 56, 1. 6-7

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ang sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Ayon sa katarungan
at laging matuwid ang inyong gagawin.
Ang pagliligtas ko’y
di na magluluwat, ito ay darating,
ito’y mahahayag sa inyong paningin.”

Ito naman ang sabi ng Panginoon
sa mga dating dayuhan na ngayo’y
kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
nangingilin sa Araw ng Pamamahinga;
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
“Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Tatanggapin ko ang inyong mga handog,
at ang Templo ko’y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”

Ang Salita ng Diyos. 

 

SALMONG TUGUNAN
Salmo 66, 2-3. 5. 6 at 8 

Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao. 

O Diyos, pagpalain kami’t kahabagan,
kami Panginoo’y iyong kaawaan,
upang sa daigdig mabatid ng lahat
ang iyong kalooban at ang pagliligtas. 

Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

Nawa’y purihin ka ng mga nilikha,
pagkat matuwid kang humatol sa madla;
ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. 

Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

Purihin ka nawa ng lahat ng tao,
purihin ka nila sa lahat ng dako.
Ang lahat sa ami’y iyong pinagpala,
nawa’y igalang ka ng lahat ng bansa. 

Nawa’y magpuri sa iyo ang lahat ng mga tao.

 

IKALAWANG PAGBASA
Roma 11, 13-15. 29-32 

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Yamang ako’y apostol ninyo, pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo’y maligtas ang ilan sa kanila. Kung naging daan ng pakikipagkasundo ng sanlibutan sa Diyos ang pakakatakwil sa kanila, ang muling pagtanggap sa kanila’y para na ring pagbibigay buhay sa patay.

Ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Dati, masuwayin kayo sa Diyos, ngunit ngayo’y kinahahabagan sa panahon ng pagsuway ng mga Judio. Gayun din naman sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.

Ang Salita ng Diyos.

 

ALELUYA
Mateo 4, 23 

Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos;
sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!

 

MABUTING BALITA
Mateo 15, 21-28 

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, si Hesus ay nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Lumapit sa kanya ang isang Caneneang naninirahan doon at malakas na sinabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.” Ngunit gaputok ma’y di tumugon si Hesus. At lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kaniya, “Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunud-sunod sa atin.” Sumagot si Hesus, “Sa mga tupang naliligaw ng sambahayan ng Israel lamang ako sinugo.” Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod sa harapan at ang sabi, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Hesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “Ngunit ang mga tuta man ay nagsisikain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Napakalaki ng iyong pananalig! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di’y gumaling ang kanyang anak. 

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

 

Pagninilay.

Kaligtasan para sa lahat.

Ang ating banal na ebangheliyo sa araw na ito ay pumapatungkol sa pangkalahatang kaligtasan para sa lahat. ayon sa ating ebangheliyo may isang babaeng humihingi ng tulong sa ating Panginoon upang pagalingin ang kanyang anak na inaalihan ng demonyo. patuloy ang kanyang pag sigaw at pag-hingi ng tulong sa Panginoong Hesus. dala ng kanyang pagmamahal sa kanyang anak buong awa siyang humihingi ng tulong, at sa kanyang ginawa ay naipapakita nya rin ang kanyang pananampalataya kay Hesus. Bagama't ipinaliwanag ni Hesus na Siya ay pumarito sa mundo para sa mga Israelita, ay patuloy pa rin ang pananalig ng babaeng taga Canenea at hindi ito natinag sa sinabi ng ating Panginoon. at bilang kapalit sa pananatili nya sa kanyang pananampalataya sa Panginoon ay pinagaloob ng Panginoon ang kaligtasan para sa kanyang minamahal na anak.

Tayo bilang mga mananampalataya ay may karapatan din sa kaligtasan na dala ng ating Panginoon Hesus. bilang simbahan tayo ay dapat bukas para sa lahat, hindi ito usapin kung anong sekta or grupo ang iyong sinasamahan, ang kaligtasan ay ating makakamit sa ating patuloy na pananalig at pananampalataya sa ating Panginoon. katulad ng nangyari sa kwento, tila sinasabi ni Hesus na siya'y naririto para sa mga Israelita, hindi nya ito sinabi upang iwasan ang babaeng taga Canenea, hindi nya ito sinabi para makaiwas lamang sa babeng hindi kabilang sa Israel, bagamat nabanggit lamang ito ng ating Panginoong Hesus upang subukin ang pananampalataya ng babae, upang kanyang makita kung patuloy pa rin ba itong mananatili sa kanyang pananalig sa ating Panginoon. at ayon sa kwento hindi naman nagpatinag ang babaeng taga Canenea at matagumpay nyang nalamanpasan ang pagsubok.

Bilang mananampalataya, tayo din ay patuloy na sinusubok ng Diyos sa araw-araw nating buhay. patuloy nya tayong tinitingnan kung manantili ba ating pananalig sa kanya.Katulad ng isang malaking pagsubok na nararanasan natin ngayon, (COVID-19), isang malaking pagsubok sa ating lahat na dapat natin kaharapin. isang pagsubok na dapat natin malampasan ng may pananampalataya sa Diyos. ang mga pagsubok na ibinibigay sa ating ng Diyos ay mga kasangkapan lamang ng ating pagpapatibay sa ating pananampalataya, at kung ninanais nating ang kanyang maluwalhating kaligtasan, nararapat lamang na ating pagtibayin ang ating pananampalataya. ang Diyos ay walang tinatangi, ang kanyang pag-ibig ay bukas para sa lahat na nagnanais nito, ang kanyang kaloob na kaligtasan ay para sa lahat, para sa lahat ng tao na patuloy na nananalig sa kanyang Banal at Makapangyarihang Pangalan.

 

Pin It

●●●●●