fbpx

January 17, 2021

Sumunod ka at maglingkod sa akin
Pagninilay Para sa Ikalawang Linggo Pagkatapos ng Epifanya

Ang pagsunod sa ating Panginoong Hesukristo ay isang malaking hamon sa ating lahat bilang kanyang mga disipulo. Sa ating Banal na Ebanghelyo nabanggit ang pagtawag ni Jesus kay Felipe at Natanael. Tinawag ng Panginoong Hesus si Felipe upang sumunod at maglingkod sa Kanya. Sa pagtawag ng Panginoon sa kanya ay maluwalhati Niya itong ibinahagi kay Natanael na ito ay nabigyan nang magandang paglalarawan ng Panginoon bilang isang mabuting Israelita. Ngunit si Natanael, dala ng kanyang kaalaman patungkol sa kanyang pananampalataya, ay kanyang pinagdudahan ang pinagmulan ng ating Panginoon na taga-Nazaret. At dahil sa bagay na ito, nagbigay nang patotoo ang ating Panginoon Hesukristo sa pagbanggit na nakita Niya si Natanael sa ilalim ng puno ng igos. Isang magandang katangian ng mga Israelita ang mapansing nasa ilalim ng puno ng igos sapagkat ito ay isang gawain at pagpapakita nang kanyang pag-aaral ng Salita ng Diyos. Sa kanilang tradisyon, sila ay nag-aaral sa ilalim ng punong igos. At dahil sa patotoo na ito ng Panginoon ay nanampalataya si Natanael kay Hesus at namangha sa mga binanggit nito hinggil sa kanya.

Bilang disipulo ng ating Panginoon, may mga pagkakataon din sa ating buhay na patuloy tayong tinatawag ng Diyos na sumunod at maglingkod sa Kanya. Katulad ni Felipe, dapat tayong magalak na ibahagi rin sa iba ang pagtawag ng Diyos sa atin upang lalo pang lumawak ang kaalaman tungkol sa Kanyang Salita. At katulad ni Natanael, siya bilang isang mabuting Israelita, tayo ay tinatawag din ng Diyos na tularan siya upang maging mabuting Kristiyano na patuloy na nag-aaral ng Salita ng Diyos.

Sa ating pagsunod at paglilingkod sa Diyos, maraming bagay ang ating matutunghayan at maisisiwalat, mga bagay na susubok sa ating pananampalataya, at mga bagay na kamangha-manghang mula sa Diyos. Ang ating pagsunod sa Kanyang mga mabubuting gawa at patuloy na paglilingkod ay nararapat lamang maibahagi ito sa ating mga kapwa lalo’t higit sa mga tunay na nangangailangan. Bilang Simbahan na naglilingkod sa Diyos at bayan, ang patuloy nating pag-ibig sa kapwa ay pagpapakita nang ating pagsunod at paglilingkod sa Diyos, sapagkat ito ang kanyang Dakilang Utos na “Mahalin ang Diyos at ang ating kapwa” gaya nang ating pagmamahal sa ating sarili. At sa pamamagitan nang ating pagtugon sa tawag ng Diyos sa paglilingkod sa Kanyang Pangalan, lalo nitong paiigtingin ang ating pananampalataya at pananalig sa Maykapal at pagpapaunlad ng buhay-Kristiyano ng ating kapwa.

 


 

Pin It

●●●●●