SI HESUS ANG DAKILANG MANGGAGAMOT
Pagninilay Para sa Ika-Limang Linggo Pagkatapos ng Epipanya, Pebrero 7, 2021 (Marcos 1:29-39)
Naalala ko yaong nangyari sa akin noong 30 taong gulang ako at isang batang-pari pa lamang. Isang araw ng Linggo mga bandang 5:30 - 6:00 ng umaga, habang ako ay naghahanda papunta sa simbahan para magmisa, may dumating sa bahay namin na kasapi ng simbahan. Ako ay sinundo upang magpahid ng Santo Olio sa isang naghihingalong matandang babae. Sumama ako at nang dumating kami sa bahay nila ay nadatnan ko ang maraming tao na abalang-abala sa pag-aayos nang kapaligiran sa bakuran ng bahay nila. Nag-aayos sila bilang paghahanda sa paglalamay para sa isang mamamatay. Pagpasok ko sa tahanan nakita ko ang matandang babae na mayroon nang paninikip sa paghinga. Ibig sabihin nang paputol-putol na paghinga ay senyales na mahina na siya at sa anumang oras ay pwede na siyang malagutan ng hininga.
Kaya dali-dali akong nag-ayos at isinagawang ipahid ang Santo Olio. Pagtapos ay ibinigay ko ang huling Sakramento. Palibhasa ako’y malapit sa taong naghihingalo at sa pamilya nito, ipinatong ko ang aking kamay sa ulo ng matanda at nagdasal nang mataimtim, at sinabi ko, “Panginoon, maawa po Kayo sa kanya at sa kanyang pamilya. Kung hindi pa niya oras ayon sa Inyong kalooban, nagsusumamo po ako sa Inyo na pagalingin po Ninyo siya at ibalik sa kanyang pamilya upang makapagpatuloy siyang makapaglingkod pa sa kanyang kapwa at sa Iyo, O Panginoon. Subalit kung oras na po niya, huwag na po Ninyo siyang pahirapan. Kunin Ninyo na po siya nang payapa. Ipinagkakatiwala ko na po ang kaluluwa niya sa Inyong mapagpalang kamay.” At ako ay umalis na sa bahay niya at diretsiyong nagtungo na sa simbahan para magmisa. Palibhasa’y naging abala na ako nang buong umaga, dahil naalala ko na may isasagawa akong dalawang kasal at 10 binyag, nawala sa loob ko ang naganap sa bahay ng matanda at nawala na rin sa isip ko ang matandang naghihingalo.
Mga bandang ika-tatlo ng hapon, dumating sa simbahan ang isang Ninong ko sa Binyag, na pamangkin ng matandang naghihngalo at kinausap ako. Ang unang tanong niya sa akin, “Padre, ano ba ng ginawa mo sa tiyahin ko?” Ang sagot ko, “Bakit po? Nagdasal po ako nang mataimtim pagkatapos ko pahiran ng Santo Olio.” Nagulat ako sa sinabi ng Ninong ko, “Naku, Padre, nagkatakutan kami lahat doon. Akalain mo ba, Padre, biglang bumangon ang matanda at lumabas ng bahay; sinabihan kami bakit daw kami gumagawa ng tolda? At ang ingay-ingay daw namin at natutulog daw siya kung kaya’t bigla siyang nagising dahil sa ingay. Akala namin ay multo siya. Lahat kami kinalibutan at nahiwagaan sa pangyayari.”
Naalala ko ang pangyayaring ito dahil sa ating Ebanghelyo ngayon na kung saan pinagaling ni Hesus ang biyenan ni Pedro. (Samakatuwid si Pedro ay may asawa; at si Pedro ang unang Santo Papa ng Iglesia Catolica Romana). Sang-ayon sa Ebanghelyo, ang biyenan ni Pedro ay nakaratay sa higaan dahil sa matinding lagnat. Nang hawakan ni Hesus ang kamay nito ay kapagdaka siyang gumaling sa kanyang karamdaman. Si Hesus ang dakilang manggagamot nang lahat ng uri ng karamdaman. Walang anumang sakit o uri ng kapighatian ang pwedeng makatalo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Sinabi rin sa Ebanghelyo na pagkatapos gamutin ni Hesus ang biyenan ni Pedro ay pinagaling rin Niya ang maraming tao anuman ang kanilang karamdaman; at maging ang mga sinasapian ng masamang espiritu at mga demonyo ay napagaling din Niya. Nagpapatunay lamang na ang Diyos na ating Panginoong Hesukristo ay may lubos na kapangyarihan na talunin at wakasan ang anumang uri ng sakit, karamdaman, kamalasan, kapighatian, at anumang bumabagabag sa ating kalooban. Kung tayo’y magtitiwala, maniniwala at isusuko ang ating mga sarili sa Kanyang dakilang kapangyarihan dapat lamang tayong huwag magduda sa ating Panginoong Diyos na walang iba kung hindi si Hesukristo.
Tandaan natin ito:
“Walang bundok gaano man ito kataas na hindi Niya kayang galawin.
Walang problema gaano man kabigat na hindi Niya kayang pagaangin,
Walang kapighatian gaano man ito kalalim na hindi Niya kayang lunasan.
Walang bagyo ng buhay kahit gaano man ito kalakas na hindi Niya kayang
payapain.
Walang sakit na hindi Niya kayang pagalingin.”
Kung ano mang bagyo ng buhay ang ating nararamdaman,
Maniwala kay Hesus!
Magtiwala kay Hesus!
Manalangin kay Hesus!
Si Hesus ang bahalang gumawa nang paraan upang lunasan ang ating mga problema.