LINGGO, AGOSTO 23, 2020
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ika-12 na Linggo Pagkatapos ng Pentekostes (A)
Pambungad na Panalangin
Maawaing Diyos na aming Ama: Itulot mo po na ang Iyong Iglesiya na pina-isa ng Espiritu Santo ay nawa’y magpakita ng iyong kapangyarihan sa lahat ng bansa sa kaluwalhatian ng iyong Pangalan; sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon, na nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos, ngayon at magpakailanman. Amen.
UNANG PAGBASA
Isaias 22, 19-23
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Sinabi ng Panginoon kay Sabnang katiwala sa palasyo: “Aalisin kita sa iyong katungkulan, at palalayasin sa iyong kinalalagyan. Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod, si Eliaquim na anak ni Helcias. Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan, ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda. Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David; ang kanyang buksa’y walang makapagsasara at walang makapagbubukas ng ipininid niya. Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar at siya’y magiging marangal na luklukan para sa sambahayan ng kanyang ama.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6 at 8bk
Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.
Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyulo at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.
Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.
Dakila man ang Poong D’yos, mahal din niya ang mahirap
kumubli ma’y kita niya yaong hambog at pasikat.
Ang dahilan nito. Poon, pag-ibig mo’y di kukupas.
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.Pag-ibig mo’y di kukupas, gawain mo’y magaganap.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 11, 33-36
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat: “Sapagkat sino ang nakaalam sa pag-iisip ng Panginoon, O sino ang nakapagkaloob ng anuman sa Diyos para siya nama’y gantimpalaan?” Sapagkat mula sa kanya at sa pamamagitan niya at sa kanya ang lahat ng bagay. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa luapin ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.” At mahigpit niyang tinagubilinan ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya ang Kristo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay.
Sino si Hesus para sa iyo?
Maraming kataga ng pagkakilanlan na naituro sa mga nanampalataya patungkol sa ating Panginoong Hesukristo, para sa mga bata, sya ang tinaguriang Papa Jesus, para naman sa iba sya ang tagapagpagaling sa mga maysakit, katulad ng mga deboto sa ating Poong Nazareno, naniniwala sila sa makapangyarihan presensya ng Panginoong Hesus ay gagaling sila sa ano mang karamdaman. Para naman sa iba si Hesus ay isang parang Magic Ginnie na mag bibigay sakatuparan ng iyong mga kahilingan. Iba-iba ang pagkakakilala natin sa Panginoon dahil na rin sa ating paniniwala at pananampalataya sang-ayon sa kanyang mga nagawa noong kanyang panahon. Pero ayon sa ating banal na ebangheliyo sa pag wika ni San Pedro, Si Hesus ay ang Kristo ang Anak ng Diyos! Isang bagay na nagbibigay linaw ng ating pagkakakilala kay Hesus, nagagawa nya ang mga bagay na hindi pangkaraniwan dahil Siya ang Kristo at isang tunay na Diyos.
Isang pagpapahayag ang ginawa ni San Pedro sa ating banal na ebangheliyo, at dala ng ating pananampalataya nararapat rin nating ipahayag ni si Hesus ay ang Kristo at anak ng Diyos. Kailangan natin panindigan ito lalo’t higit sa ating sitwasyon na kinahaharap ngayon. Pero sa panahon ngayon? Paano natin maipapahayag ang dapat na pagkilala natin sa ating Panginoong Hesukristo?
Una, kailangan natin, mamuhay sa mabuting gawa at sa kabanalan, katulad ni Juan Bautista, kaya naihalintulad ng mga tao si Juan Bautista kay Hesus dahil sa uri ng pamumuhay meron sila, parehas silang namumuhay sa kabalanan at patuloy na gumagawa ng mabuting gawa. Isa sa mga makakatulong sa atin upang maipahayag ang pagiging Diyos ni Hesus ay sa pamamagitan ng ating pamumuhay. Ngayong Pandemya, Anong nagawa mong kabutihan? Meron ba?, sa bawat pagsara ng ilang mga simbahan? Nanatili ka ba sa iyong pananampalataya? May kabalanan pa ba sa iyo?. Sa kabila ng mga pangyayari sa ating mundo? Kailangan natin tatagan ang ating mga kalooban sa mga bagay na ito. Bagamat tayo ay kumakaharap sa isang malaking pag subok. Kailangan manatili tayo sa kabutihan at kabanalan.
Pangalawa, kailangan natin patuloy na maniwala at pag tiwala sa Diyos. Katulad ni Elias na lubos ang pagtitiwala sa Diyos. Gaya ni Hesus, ganun din ang kanyang pag titiwala sa Diyos kaya lahat ng iutos ng Diyos ay kanyang sinunod at dahil dito ay nakagawa sya ng ibat ibang mga himala. Sa panahon ngayon? Nagtitiwala pa rin ba tayo sa Diyos? Sa pandemyang meron tayo baka isinisisi na natin sa Diyos ang mga nangyayari. Dapat ay mas lalo nating paigtingin ang ating pagtitiwala sa Diyos dahil dito natin kukunin ang lakas ng loob upang paglabanan ang malaking pag subok na ito. At malay natin sa lubos nating pagtitiwala ay ipagkaloob din sa atin ang isang himala. Dahil ang lahat ay magiging possible sa Diyos kung tayo ay mag titiwala sa kanya.
Pangatlo, kailangan natin ipahayag ang kanyang katuruan, katulad ng isang Propeta o ni Jeremias. Katulad din ng ginagawa mismo ng ating Panginoon na nag dadala ng mensahe ng Ama para sa mga tao. Bilang mga mananampalataya ay dapat tularan ang mga bagay na ito. Sa panahon natin ngayon napaka dali ikalat ang ano mang balita, Mabuti o masama sa pamamagitan ng ating makabagong teknolohiya. Nawa gamitin natin ang mga ito sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos.
Sa mga ganitong pamamaraan natin maipapakita at maipapamalas ang ating pagpapahayag na si Hesus nga ang Kristo at ang anak ng Diyos na ipinadala ng Ama para sa katubusan ng ating mga kasalanan. Nararapat lamang na ganito ang ating tunay na pagkakakilala sa kanya. At nawa sa ating pagpapahayag ng dakilang katotohanang ito ay maipagpatuloy natin ang gantipalang naibigay kay San Pedro kung saan siya ay inatasan ng Panginoon na maging bato o pundasyon para matayo ang mga simbahan ng mga patuloy na nanampalataya. Patuloy nating pagtibayin ang ating simbahan sa pamamagitan ng pagpapahayag na si Hesus ang Kristo at ang Anak ng Diyos na ating Panginoon.