ANG TUNAY NA ANYO
Pagninilay para sa Huling Linggo ng Epipanya, Pebrero 14, 2021
Marcos 9:2-9
Misyon ng Birhen Balintawak, Sucat, Paranaque
PANIMULA: May kuwento tungkol sa isang Hindu na nakahandusay at nag-aagaw hininga habang masusing inaalagaan ni Mother Teresa. “Ano po ito?” tanong niya. Hawak ni Mother Teresa ang Krus na nakasabit sa leeg niya, at ang sagot niya, "Yan ay simbulo na nagpapaalala sa akin ng aking Diyos." “Kung gayon, ang inyo pong Diyos ay Siya ko na ring Diyos,” wika ng Hindu, at nalagutan siya ng hininga.
Habang papalapit ang paghihirap ni Hesus, unti-unti Niyang ipinakikilala ang Kanyang tunay na katauhan at misyon sa Kanyang mga alagad. Sa isang mataas na bundok nasaksihan nina Pedro at nang magkapatid na Santiago at Juan ang pagbabagong-anyo ni Hesus. Isang kakaibang tagpo ang naranasan nila sa piling Niya. Nakita nilang nagliwanag na parang araw ang Kanyang mukha at pumuting parang busilak ang Kanyang damit. Marahil naramdaman agad nila na ang kanilang sinusundan ay hindi lamang pangkaraniwang tao kundi tunay na Diyos.
Ang pagpapakita nina Moises at Elias sa tagpong ito ay mas lalong nagpatibay sa tunay na anyo ni Hesus. Gayon na lamang ang kasiyahang naramdaman nila. Kaya't di napigilan ni Pedro na imungkahi kay Hesus na huwag na silang bumalik sa Lungsod bagkus gumawa na lamang sila ng tatlong (3) kubol. Para kay Hesus, hindi lubusang naunawaan ni Pedro ang tagpong ito. Ang Kanyang pagbabagong-anyo ay pagpapakita hindi lang ng Kanyang panlabas na kaanyuhan at kagandahan, bagkus ng Kanyang pagiging handang tumupad sa kalooban ng Kanyang Ama.
Bilang mga Kristiyano na tagasunod ni Hesus, hinahamon tayo na MAGBAGONG ANYO rin na magningning sa harap ng tao at makita sa ating mabuting pagkilos ang kadakilaan at kabutihan ng Amang nasa langit. Ipakita natin sa mundo ang ating tunay na anyo bilang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawaing maka-Diyos. Sa ganitong paraan makatutulong tayong maibsan ang nararamdamang hirap at dusa ng karamihang nasasadlak sa iba't-ibang uri ng pagsubok at hamon sa buhay. Sa panahon ngayon na laganap ang hirap at matinding karamdaman higit na isabuhay natin ang diwa ng pagmamalasakitan at pagmamahalan upang maramdaman ng bawat isa na ang Diyos na ating sinasampalatayanan ay Diyos na buhay-- Diyos na nakisasalamuha sa atin.
PANGWAKAS: Pinapatunayan nang naranasang kagalakan ng mga alagad ni Hesus na mayroong kasiyahan saan man naroroon si Hesus. Ang kailangan natin ngayon ay hindi ang maraming bilang ng mga tinaguriang Kristiyano kundi mga tunay na saksi ng pag-ibig ni Kristo. Ito ang nakitang isinabuhay ni Mother Teresa kaya't nadama sa kanya ng mundo ang tunay na anyo ng Diyos.
Mga kapatid kay Kristo: Ipakita ang inyong tunay na anyo .. Isa kang Kristiyano hindi lamang sa taguri... Tunay kang saksi ng pag-ibig ni Hesus! Maaliwalas na buhay po!