fbpx

February 21, 2021

ANG PANUNUKSO KAY HESUS
Pagninilay sa Unang Linggo ng Kuwaresma; Pebrero 21, 2021
Marcos 1:9-15


Ni: Reb. Padre Ferdinand Alvarez
Misyon ng Santo Nino, Punta, Santa Ana

Ang panawagan at pansin na nakapaloob sa mga pagbasa ay pagninilay sa pagbabalik-loob sa Diyos at pagsisisi sa ating mga kasalanan; bagay na sadyang itinakda upang tumugon tayo bilang isang simbahan. Sa tuwing matutunghayan ang salaysay ng "the Great Flood" sa panahon ni Noah at pamilya ay sumaatin ang magkahalong damdamin na nakakaawa ang mga taong nasawi, ngunit may pag-asa namang hatid bunga nang pagsunod ni Noah sa kalooban ng Diyos.  Iisa pa rin ang aral maging sa ngayon: ang kasalanan ay pagsuway sa Diyos na patungo sa kamatayan subalit ang pagsunod naman ay patungo sa buhay at kaligtasan. Nanatili ang pangako na iyan ng Diyos kay Noah sa pamamagitan ng isang bahaghari bilang paalala na hindi na Niya lilipulin muli ang mga tao dahil sa kanilang kasalanan, at nang pagdating ng pangakong Mesiyas ay tunay na tinupad ng Diyos ang kanyang pakikipagtipan.

Ito ay pinatunayan sa Ikalawang Pagbasa na kung saan ipinaliwanag ang Binyag kaugnay ng hatid na kaligtasan mula sa pagkamatay sa Krus at pagkabuhay na muli ni Kristo. Ang tubig sa Unang Pagbasa na pumuksa sa kasalanan ay siya rin namang tubig na naglalayong maglinis sa ating kasalanang-mana (Original Sin). Samantala, ang tubig na dumaloy mula sa tagiliran ng Panginoong Hesus sa kanyang pagkapapako sa krus ay isang pagtitibay ng paglilinis na gamit ang tubig at kaligtasan ang hatid sa sinumang sumasampalataya sa Kanya.

Ang Ebanghelyo ni San Marcos ang naglahad ng disyerto na kinatatakutan hindi lamang ng mga Hudyo kundi nang lahat ng tao dahil ito ay lugar ng pagkauhaw at pagkatuyot, pagkagutom na maaaring maging sanhi ng kamatayan, kasama na rin ang pagharap sa mababangis na hayop. Sa gitna ng kawalan na ito, ibig simulan ni Hesus ang Kanyang misyon tungo sa paglilingkod upang maipahayag ang tunay na paghahari ng Diyos. Nais Niyang mabigyang pansin ang lubos, wagas, at tunay na pagtitiwala sa kapangyarihan ng Diyos. Kaya naman ang mga anghel ay naging gabay Niya upang iparamdam sa Kanya ng Ama na hindi Siya nag-iisa sa Kanyang nakalaang gawain. Sadyang mahirap maglingkod at sundan si Hesus sa ganitong uri nang halimbawa ng pagpapakasakit. Ayaw natin ng pagkauhaw, pagkagutom, at pagkaharap nang mababangis na hayop sa ating buhay. 

Kaya ang apatnapung araw na sinimulan natin noong Miercoles de Ceniza ay isang paglalakbay nating kasama si Hesus; hindi tayo nag-iisa. Tutuksuhin at ililigaw din tayong pilit ni Satanas sa pagsasabing, "Huwag, mahirap yan, nakatatamad!" at iba pang pamamaraan upang gawin natin ang ating kagustuhan lamang at hilig ng katawan. Sinabi ni San Juan Chrysostom na “umaatake ang diyablo sa tuwing nakikita niya ang tao ay nag-iisa at walang kasama.” Ganito siya nagtagumpay sa pangyayari sa Paraiso noong tinukso niya si Adan at Eva. Ngunit ipinakita ngayon ni Hesus na Siya ang nagtagumpay upang mabawi ang sumpa at ibalik ang taong nagkasala (the Fall) sa Diyos na lumikha sa kanila.

 


 

Pin It

●●●●●