fbpx

March 21, 2021

Unahin ang Maka-Langit na Bagay

Isang Pagninilay sa Ika-Limang Linggo ng Kwaresma; Marso 21, 2021
Juan 12:20-33


Ni: Reb. Padre Severino Dancel Ismael

 

“Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan.”

Ngayong panahon ng Kwaresma, tayo ay tinatawag ng Diyos upang gunitain at alalahanin ang Kanyang dakilang gawain nang pagliligtas sa sanlibutan. Sa ating Banal na Ebanghelyo winika ng ating Panginoon, “Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang napopoot sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan.” 

Ang mga pariralang ito ay nangangahulugan nang pagsunod sa kagustuhan ng Diyos laban sa kagustuhan sa mga maka-mundong bagay. Katulad ng ating Panginoong Hesukristo, lahat nang inutos ng Kanyang Ama ay Kanyang sinunod, maging ang pagbubuwis ng Kanyang sariling buhay. Pinahalagahan ng ating Panginoon ang utos ng Ama kaysa piliin ang sariling ikabubuti kung tatakasan man Niya ang hirap na daranasin dito sa mundo. Binigyan nang halaga ng ating Panginoon ang maka-langit  na bagay upang mabigyang katuparan ang kagustuhan ng Amang nasa langit. 

Sa panahong ito ay tinatawag tayo ng Diyos na gawin din natin ang bagay na ginawa ni Kristo, na ating tularang unahin ang mga maka-langit na bagay kaysa ang sariling kagustuhan dito sa Lupa. Inaanyayahan tayo ng Diyos na isakripisyo ang ating mga sariling kagustuhan at unahin ang kagustuhan ng Diyos, dahil sa ganitong gawain ay magiging marapat tayo sa buhay na walang hanggan.

Sa panahon ngayon ng pandemya na kung saan ang lahat ay nahihirapan at nangangailangan, nakalilimutan ng iba ang pagbabahagi at pagtutulungan dahil sa inuuna ang kanilang sariling kapakanan at higit na pinahahalagahan ang kanilang buhay dito sa lupa. Sa mga oras nang kagipitan at paghihirap ay nasusubok ang ating pananampalataya sa Diyos, katulad nang ating Panginoon na Siyang naghirap sa Krus at inialay maging ang Kanyang sariling buhay. Bagamat nahirapan ay nanatiling matatag Siya sa Kanyang pananampalataya at matimyas na sinunod ang  maka-langit na bagay kahit na ito’y ikinasawi ng Kanyang buhay. Ito’y isang bagay na dapat nating tularan sa panahon ng kahirapan at kagipitan; manatili sa pananampalataya at pahalagahan ang maka-langit na gawain upang magkamit tayo nang buhay na walang hanggan.

 


 

Pin It

●●●●●