NAGPAKITA SI HESUS SA MGA ALAGAD
Pagninilay sa Ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, Abril 11, 2021
Nag-alinlangan si Tomas: “Panginoon ko at Diyos ko.” Juan 20: 19-31
Ni: Reb. Padre Ricardo Aliwalas
Misyon ng Birheng Balintawak, Sucat, Paranaque
PANIMULA :
- Mabathalang awa ng Diyos ang nagbunsod para pangunahan ng Anak ang kasaysayan ng tao at makipanahan sa atin.
- Patotoo na ang awang ito o habag ang buong buhay at pagliligtas Niya.
- Ang pagpapakita Niya sa mga alagad nang Siya’y muling nabuhay at ang kaganapan nang Kanyang hindi mapapantayang pakikiisa sa sanilikha.
- Dito nahayag ang ating hantungan, ang kaluwalhatian bilang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ni Hesukristo.
- Kaya’t tunay na mahalaga ang ginawang pagpapakita ni Hesus sa gitna ng mga natitipong alagad, lalo na ang ikalawang pagkakataon na naroon na si San Tomas.
- Taon-taon, tuwing ikalawang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, ang kuwento tungkol kay Santo Tomas, alagad ng ating Panginoong Hesus, ay siya ring pinagninilayan.
- Tinutulungan tayo nang tagpong ito upang mapagtagumpayan din natin ang sariling takot, pangamba, at alinlangan na dulot ng ating pagkamakasalanan.
MAHALAGANG ARAL:
- “SUMAINYO ANG KAPAYAPAAN!” ang unang pagbating-salita ng ating Panginoong Hesus sa Kanyang mga apostol noong Siya ay nagpakita sa kanila.
- Noong panahong iyon, ang mga apostol ay nagkatipon-tipon sa isang saradong silid dulot nang takot na madakip din sila at maipapatay katulad nang nangyari sa kanilang Panginoong Hesus.
- Takot ang laman ng kanilang damdamin, at inisip nila kung ano ang maaaring mangyari sa kanila sa mga susunod na araw. Walang kasiguraduhan at waring may banta sa kanilang mga buhay ang kanilang pangamba.
- Sa isang magandang pagkakataon, nagpakita si Hesus sa kanila na may dalang mensahe ng kapayapaan na pumawi sa kanilang takot at ligalig ng kalooban.
- Dala ng Panginoong Hesus ang kapanatagan sa kanilang mga puso at dito’y tahasang napatunayan na ang Panginoong Hesus ay muling nabuhay.
- “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu!” at bahagi nang pagkakaloob sa kanila ng Banal na Espiritu ay ang kapatawaran sa kanilang pagkakasala.
- Pumaroon si Hesus hindi upang sila’y sumbatan sa kanilang pagtataksil at pagtalikod sa Kanyang panahon ng kagipitan. Ang hatid Niya ay kapatawaran at kakayahang magpatawad din sa pagkakasala ng iba.
Dulot ng Banal na Espiritu: ANG NASA ATIN AY BAGONG BUHAY AT HINDI ANG BIGAT NG ATING KASALANAN.
“ Huwag ka nang mag-alinlangan, maniwala ka na.”
- Si Santo Tomas ay nagnais nang mapatunayan na si Hesus ay muling nabuhay. Tumawid siya mula sa kanyang pag-aalinlangan patungo sa malalim na pagpapahayag ng pananampalataya nang makita niya ang Panginoong Hesus.
- Hindi siya binigo ng ating Panginoong Hesus at ipinagkaloob ang kanyang kagustuhan upang mapawi ang kanyang alinlangan.
- Buong pagtitiwala nang ipinahayag ni Sto Tomas : “ PANGINOON KO AT DIYOS KO!”
BUOD-ARAL:
Ang takot, pangamba, at alinlangan ng mga Apostol ay pinawi ng Panginoong Muling Nabuhay.
Para sa ating lahat, patuloy nawa tayong tumawid sa dilim ng alinlangan patungo sa liwanag nang ganap na pagtitiwala sa Diyos, habang patuloy tayong sama-samang naglalakbay sa ating buhay.
Patuloy na pagbati: Maligayang Pasko ng Muling Pagkabuhay !