ANG MABUTING PASTOL
Pagninilay sa Ika-apat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, Abril 25, 2021
Juan 10:11-18
Ni: Reb. Padre Ferdinand Alvarez
Misyon ng Punta, Santa Ana
Binigyang diin ni Pedro ang kabutihan ni Hesus ang siyang tunay na nagpapagaling nang may karamdaman at hindi siya ang dapat tumanggap nang pasasalamat mula sa mga tao. Larawan ito ng kababaang-loob at tunay na pagbabago mula sa dati-rati nating nakilala na si Pedro na punong-puno ng sarili at ambisyon. Siya ay malinaw na taga-pangalaga ng tupa ni Hesus at hindi niya inaaring kanya, tanda ng pagiging totoo sa panawagan nang katapatan sa paglilingkod. Natuto si Pedro kung paano sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama ay siya ring pagsunod niya sa mga tagubilin at aral mula sa kanyang guro at ito ang tanging laman ng kanyang diwa at pag iisip.
Dahil sa kabutihan ng Mabuting Pastol tayo ay nagiging tunay na anak ng Diyos, sa ikalawang pagbasa. Mahirap man, buhay man ang naging kapalit nang Siya ay mamatay sa krus, tinupad ni Hesus na tayo ay ihatid sa luntiang pastulan sa piling ng Ama. Ang Mabuting Pastol ay hindi lamang sa salita at magandang paliwanag na ikatutuwa nang mga taga-pakinig kundi isang pag- aalay at sakripisyo nang tinatawag nating buhay (our precious life). At marami pa rin sa atin ang labis-labis ang pagmamahal sa ating sariling buhay. KUNG kaya sadya namang salat pa rin ang ating pang-unawa sa pagmamalasakit sa mahirap, naligaw ng landas, at may kapansanan. Ang mga kinalimutan ng lipunan ang siyang nauuna sa puso ng Mabuting Pastol, ayon sa tahasang inihayag ng Ebanghelyo. Kaya masakit isipin ang salitang upahan at tumatakas sa sandali ng panganib, ang mga mapagkunwaring nilalang na isang bangungot sa diwa ni Hesus.
Saan nga ba galing ang pagmamahal ni Hesus sa Kanyang kawan? Bakit nga ba tunay ang Kanyang pagmamahal? Ito ay dahil sa KILALA Niya ang Kanyang mga tupa at NAKIKILALA rin Siya ng Kanyang mga tupa. Panahon at oras ang simula ng kanilang pinagkakilanlan bagay na nakalulungkot isipin na nawawala sa atin dahil sa rami nang ating ginagawa, pinagkaka- abalahan at ngayon ang pagsuong sa pandemya. Marami sa atin ang naliligaw ngunit hindi natin batid at ayaw nating tanggapin. Ipinagpipilitan nating alam ang daang pauwi ngunit madilim na at hindi na natin makita ang daan. Ano ang nararapat nating gawin? TUMAWAG at hintayin ang Mabuting Pastol na matagal na tayong hinahanap. Siya ay darating.. at parating na.. at malapit na sa ating kinaroroonan.. HAPPY 4TH SUNDAY OF EASTER!