LINGGO, SETYEMBRE 13, 2020
Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Pambungad na Panalangin
Mahabaging Diyos, kung wala ang iyong kahabagan ay hindi ka namin mapaliligaya: Buong awa mo pong itulot na sa lahat ng bagay, ang Iyong Espiritu Santo ang siyang manguna at mamuno sa aming mga puso upang ang Iyong kahabagan ay siya rin naming maipagkaloob sa mga nangangailangan; sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon, na nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos, ngayon at magpakailanman. Amen.
UNANG PAGBASA
Sirak 27, 33 – 28, 9
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Ang poot at pagngingitngit ay dapat ding kamuhian; ngunit sa makasalanan, iyan ay pangkaraniwan. Natatandaan ng Panginoon ang kasalanan ng bawat tao, at ang mapaghiganti ay paghihigantihan din niya. Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang, at pag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman.
Ang nagtatanim ng galit laban sa kapwa, pag tumawag sa Panginoon, walang kakamtang awa. Kung hindi ka nahahabag sa iyong kapwa, paano mong ihihingi ng tawad ang iyong kasalanan? Kung ikaw na tao lamang, ay nagkikimkim ng galit, sinong magpapatawad sa iyo sa mga kasalanan mo? Alalahanin mo ang iyong wakas at pawiin mo ang iyong galit.
Isipin mo ang kamatayan at sundin mo ang Kautusan. Dili-dilihin mo ang Kautusan at huwag kang magalit sa kapwa; alalahanin mo ang Tipan ng Kataas-taasan at matuto kang magpatawad.
Ang Salita ng Diyos
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa, ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina. Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan, at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad, ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat. Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas, at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim; yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim. Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway di natayo siningil sa nagawang kasalanan.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya. Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya gayung-gayon ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Ang ating mahabaging D’yos ay nagmamagandang-loob.
IKALAWANG PAGBASA
Roma 14, 7-9
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma.
Mga kapatid, walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang. Kung tayo’y nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayo’y namamatay, namamatay tayo para sa Panginoon. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo’y sa Panginoon. Sapagkat si Kristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at mga buhay.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Juan 13, 34
Aleluya! Aleluya!
Bagong utos, ani Kristo,
mag-ibigan sana kayo,
katulad ng pag-ibig ko.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 18, 21-35
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit si Pedro at nagtanong sa kanya, “Panginoon, makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang dinala sa kanya ang isang may utang na sampung milyong piso. Dahil sa siya’y walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng ari-arian, upang makabayad. Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: ‘Bigyan pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya.
“Ngunit pagkaalis niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na limandaang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila’y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari. Kaya’t ipinatawag siya ng hari. ‘Ikaw – napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang kanyang utang. Gayon din ang gagawin sa inyo ng aking Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.