fbpx

July 4, 2021

PROPETANG HINDI TANGGAP SA SARILING BAYAN

Reflection for the Sixth Sunday After Pentecost
Mark 6:1-13 | July 4, 2021


Ni Reb. Padre Severino Ismael III
Cathedral of the Crucified Lord, Brgy. Apolonio Samson, Quezon City

Ang ating banal na Ebanghelyo para sa Linggong ito ay tungkol sa buhay ng ating Panginoon sa Kanyang sariling bayan. Bagamat Siya ay kilala sa iba’t-ibang kalugaran dahil sa Kanyang pangangaral at paghihimala, ang Kanyang sariling bayang Nazareth ay may agam-agam sa Kanyang mga ginagawa. Dahil Siya’y lumaki rito bilang isang anak ni Jose, karpintero, at ni Maria, ang mga tao ay nagtaka kung saan nagmula ang Kanyang kakayahan sa pangangaral at pagpapagaling ng mga may sakit. Ang pagtatakang ito ay may halong pagka-inggit. Ang mga taong mula sa Nazareth ay mga simpleng tao lamang na gumagawa ng mga pangkaraniwang trabaho gaya ng pagkakarpintero.  Kaya’t inaasahan nilang ang kapuwang taga-Nazareth, na si Hesus, ay walang kakayahang  mangaral at  maghimala; isang malaking kinaiingitan sa Kanya. Ang pangyayaring ito ay isang patikim lamang sa ating Panginoong Hesukristo sa napipintong mapait na kalbaryo sa Krus na Kanyang daranasin. Dahil sa pangungutya ng Kanyang sariling bayan, tuloy winika Niya, “Walang kinikilalang propeta sa sarili niyang bayan.” 

Hanggang sa panahong ito ay nauulit pa rin ang ganyan. May mga pagkakataon sa buhay na tayo mismo ay hindi matanggap ng ating kababayan o lalo’t higit ng ating sariling pamilya.  Mula sa ating mga kamag-anak ang pagdududa sa ating kakayahan ay dahilan na rin sa pagkainggit. May mga tao sa mundong ito na tila baga ayaw maungusan sa buhay at nagagalit sa tuwing sila ay nalalampasan o nahihigitan. Ganunpaman, itinuturo ng ating Panginoong Hesukristo ang tamang asal at pagtugon sa mga bagay na ito. Bagamat ito’y nakasasakit ng damdamin, kailangan tanggapin natin na may mga taong sadyang mahina ang pang-unawa at ayaw makita ang ating paglago at pag-unlad.  Subalit hindi dapat tayo magpatinag sa ganitong kalagayan at kailangang higit na magpunyagi na isulong ang ating pag-unlad sa ikabubuti ng sarili para na rin sa ikatatagumpay ng ating ministriya. Ang ating Panginoong Hesukristo ang ating huwaran sa ministriya at katuwang sa pagpapaunlad ng Kanyang ubasan o kung saan man tayo maitatalaga.

Bilang mga alagad ng Diyos, tayo ay tinuturuan ng Panginoon na sundan ang Kanyang magandang  halimbawa. Sa bawat nating paglago sa buhay-espirituwal, tiyak na may mga ilang taong hindi tayo matatanggap bunga nang pagdududa sa ating pananampalataya. Hayaan lamang natin sila, ngunit taimtim na ipagdasal upang magbago ang kanilang pananaw, at ipagpatuloy natin ang paggawa nang mabuti para sa ika-uunlad ng ating ministriya. Hindi man tayo matanggap sa ating sariling bayan, buong puso naman tayong tanggap ng Diyos sa lahat nang kabutihang ating ipupunla para sa magandang buhay ng ating kapuwa.

 


 

Pin It

●●●●●