fbpx

August 8, 2021

Si Hesus ang Pagkaing Nagbibigay-Buhay

Isang Pagninilay sa ika-11 Linggo ng Pentekostes
Juan 6: 41-51


Ni: Reb. Padre Ricardo Aliwalas
Misyon ng Birhen Balintawak, Sucat, Paranaque

Banal na Salita: “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito.”

PANIMULA

Tayong mga Pilipino ay mahilig kumain kahit saan tayo pumunta, hindi po ba? Mawala na ang lahat, huwag lamang ang pagkain. Kapag may handaan bumabaha ng pagkain. Isa ito sa mga mabubuting kaugalian ng mga Pilipino; dahil sa mga handaang ito napagtitibay ang ating mga ugnayan. Dahil hindi rin nawawala sa mga pagdiriwang ang kuwentuhan ng mga magkakasalo sa handaan.

Sa kasamaang-palad, kung minsan din naman sa mga pag-uusap o pagtitipon na ito ay hindi lamang tayo sa pagkain nabubusog kung hindi rin sa mga sitsit, o tsismis, o mga bali-balita tungkol sa iba. Busog na ang tiyan, pati na rin sa kaalaman. May mga pag-uusap na hindi nagbibigay ng buhay sa atin at sa ibang tao, kung hindi sumisira pa ng buhay ng mga taong naging laman ng mga usapang pinagsaluhan din natin.

Hindi rin nakaligtas si Hesus sa mga pangyayaring ganito, tulad na lamang nang nasasaad sa Ebanghelyo natin ngayon: “… nagbulung-bulongan ang mga tao laban kay Hesus.” Hindi nila matanggap ang mga pangungusap ng ating Panginoong Hesus na nagsasabi tungkol sa kanyang pinagmulan. Alam ng mga tao na si Hesus ay anak ni Jose; kaya’t hindi nila maunawaan na ang Panginoon ay nagmula sa langit.
 

MAHALAGANG ARAL

Kung natatandaan ninyo pa, noong nakaraang Linggo sa ating Ebanghelyo, hinikayat ng Panginoong Hesus ang mga tao na “HANGARIN ANG TINAPAY NA NAGBIBIGAY-BUHAY.”

Subalit sa pagkakataong ito ay madaling nalimutan ng mga tao ang mga mabubuting ginawa ng Panginoon at daliang tinanggihan nila ang mga turo ni Hesus sa pamamagitan ng kanilang pagbubulungan. Kaya’t muli silang hinikayat ni Hesus at itinuro sa kanilang lahat na kung sasampalataya sila sa Kanya, magkakaroon sila ng “BUHAY NA WALANG HANGGAN.”

Kaya’t halina at magtiwala kay Hesus na ating Panginoon; lumapit tayo sa Kanya at magpakabusog tayo sa pagmamahal ng Diyos na nanggagaling kay Kristong-buhay sa Eukaristiya.

Sa pagdalo natin sa Banal na Misa ibinibigay sa atin ang dalawang pagkain: ang Kanyang Salita o Mabuting Balita at ang Kanyang Katawan at Dugo. Siya ang Tinapay ng Buhay na nagmula sa langit. Itigil na natin ang mga hindi kaaya-ayang mga pag-uugali lalo na ang mga nakasasakit sa ating kapwa at nakasisira nang pakikipag-ugnayan natin sa bawa’t isa. Magpakabusog tayo sa pag-iibigan sa bawat isa; lasaping mabuti sa ating buhay ang mga turo at gawa ni Hesus: Ang Mamuhay sa Pag-ibig ng Diyos.
 

PANGWAKAS

Pakinggan si San Pablo: “ KAYA TUMULAD KAYO SA DIYOS KAGAYA NG MGA ANAK NA MINAMAHAL AT SUMUSUNOD SA DAAN NG PAG-IBIG,TULAD NI KRISTO.” (Efeso 5:1-2).

Mabubusog tayo sa pag-ibig kung tutularan natin ang Diyos sa pagmamahal sa kapwa. Tularan natin si Hesus sa pamamagitan nang pagbibigay ng sarili sa minamahal.

Teka… sino po kaya ang minamahal ko?  Ang totoo ay kayo po! Eh kayo, sino po ang minamahal nyo?  O di Wow!

“MABUSOG ANG BAWA’T ISA SA PAGMAMAHAL NG DIYOS!”

Iyan ang Pagkaing kailangan ngayon sa Panahon ng Pandemya.  Iyan po ang lubhang mahalaga ngayon (essential)!

 


 

Pin It

●●●●●