fbpx

August 22, 2021

PANGINOON, KANINO PA PO KAMI PUPUNTA?

Isang Pagninilay para sa ika-13 Linggo ng Pentekostes | Juan 6:56-69


Ni Reb. Padre Dionito Cabillas
Parokya ng Mabuting Pastol, Lubiran, Bacood, Santa Mesa, Manila
 

Pagsusuri ng Patutunguhan

Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa Inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:68)  Bilang mga Kristiyano, kanino tayo pupunta kung wala ang Panginoong Jesus sa ating buhay? Tatanggihan ba natin ang hamon ng Panginoong Jesus o mamumuhay tayo ayon sa ating pansariling hilig at ambisyon? Marahil ang dati-rating paraan ng ating pamumuhay ay walang kahulugan, walang pangmatagalang kagalakan, at walang anumang halaga. Ito ay isang buhay na nakabatay o nakasalalay sa ating mga pangangailangang materyal at panandaliang kaligayahan lamang.  

Marahil sasabihin din natin na “kailangan natin ang mga materyal na mga bagay.” Totoo po ito. Kailangan natin na mabuhay rito sa mundo. Sa simula, sa paglikha ng Diyos sa sanlibutan, Kanyang sinabi na: “’Magkaroon sa lupa nang lahat ng uri nang tumutubong halamang nagkabibinhi at mga punong namumunga.’” At nangyari nga ito. Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan Siya nang ito'y mamasdan.” (Genesis 1:11-12). Kalooban ng Diyos na magkaroon tayo ng mga materyal na bagay upang tayo ay mabuhay. Tungkulin din natin na alagaan, palaguin, at paunlarin ang mga kaloob ng Diyos bilang mga mabuting katiwala.

Sa kabilang banda, patuloy na ipinaalaala sa atin ng Pangoong Jesu-Kristo, “Ang Aking laman ay tunay na pagkain, at ang Aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng Aking laman at umiinom ng Aking dugo ay nananatili sa Akin, at Ako naman sa kanya.  Isinugo Ako ng buháy na Ama at ako'y nabubuhay dahil sa Kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumain sa Akin ay mabubuhay dahil sa Akin. Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad nang kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” (Juan 6:55-58). 

Para sa atin, hindi ito mahirap tanggapin. Tayo ay mga tunay na alagad ni Jesus. Kanino pa ba tayo pupunta? Subalit, sa ating paglapit sa Panginoong Jesu-Kristo, dapat malinaw ang mga sumusunod: (1) kailangang lubos natin Siyang makilala; (2) Kinikilala natin ang Kanyang mga katuruan at ginawa; at, (3) isinasabuhay natin ang Kanyang misyon at ministriya.
 

Si Jesus sa Ating Buhay

Si Jesus ay mula sa  angkan ng mga maharlika (Haring David), subalit isinilang Siya sa sabsaban kasama ng mga hayop at mga pastol; lumaki sa bayang Nazaret at namuhay kasama ng mga pangkaraniwang tao na mga magsasaka at mga manggagawa; nagpahayag ng kaharian ng Diyos; nagturo at kumilos kasama ang “anawim” o mga taong wala nang inaasahan kundi ang Diyos; nagpahayag ng kapayapaan, katuwiran,  katarungan, at katotohanan; nagtalaga ng “bagong tipanan” (Huling Hapunan); nag-alay ng buhay sa pamamagitan ng Krus; nag-utos na gawing alagad ang lahat ng bansa; nangako na lagi Niyang sasamahan ang mga tao hanggang sa dulo ng daigdig; at umakyat sa langit at nangakong muling paririto sa sanlibutan.
 

Pagkilala at Pagsasabuhay ng Katuruan ni Jesus

Maraming itinuro ang Panginoong Jesu-Kristo. Magbanggit na lamang tayo ng mga iyonb malapit sa puso ng Iglesia Filipina Independiente (IFI):

Magandang Balita:  Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!” (Marcos 1:15)

Pagliligtas ng Panginoon: (16) Pumunta si Jesus sa Nazaret, ang bayan kung saan siya lumaki. Gaya ng Kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga ng Araw ng Pamamahinga. Tumayo Siya upang bumasa ng Kasulatan, (17) at ibinigay sa Kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan Niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito, (18) “’Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang Niya Ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo Niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakikita. Isinugo Ako upang palayain ang mga inaapi, (19) at upang ipahayag ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.’” (Lucas 4:16-19)

Buod ng Mahalagang Kautusan ni Jesus: (37) Sumagot si Jesus, “’Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. (38) Ito ang pinakamahalagang utos. (39) Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. (40) Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.’” (Mateo 22:37-40)

Likas na Handog Mula sa Puso: (23) Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, (24) iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos. (Mateo 5:23-24)

Mahalagang Katuruan:Kahabag-habag kayo, mga taga-pagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi nang maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinakaligtaan ang ibang utos.” (Mateo 23:23)

Pagbibigay Mula sa Puso: (7) Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan. (8) Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa. (9) Tulad nang nasusulat, “’Siya'y masaganang nagbibigay sa mga dukha; ang kanyang kabutihan ay walang hanggan.’” (10) Ang Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang Siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. (11) Pasasaganain Niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila. (12) Ang paglilingkod ninyo upang tumulong sa mga kapatid ay hindi lamang makatutugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa nang nag-uumapaw na pagpapasalamat nila sa Diyos. (13) Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Kristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos. (14) Kaya't buong pagmamahal nila kayong ipananalangin, dahil sa di-masukat na kagandahang-loob ng Diyos sa inyo. (15) Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kaloob na walang kapantay! (2 Corinto 9:7-15)

Si Jesus ang Tunay na Buhay: (25) Sinabi sa kanya ni Jesus, “’Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; (26) at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?’” (Juan 11:25-26)

Ang Bagong Tipan sa Katawan at Dugo ni Jesus: (19)Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay Kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi Niya, “’Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.’” (20) Gayundin naman, dinampot Niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “’Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng Aking dugo. Ang Aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.’” (Lucas 22:19-20)

Utos at Pangako ni Jesus: (18) Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “’Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. (19) Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. (20) Turuan ninyo silang sumunod sa lahat nang iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, Ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.’” (Mateo 28:18-20)
 

Pagsasabuhay ng Misyon at Ministriya ni Jesus

Malawak ang Misyon at Ministriya ng Panginoong Jesus. Ilalahad natin ang misyon at ministriya na ginagampanan ng Iglesia Filipina Independiente (IFI).

Sa Pahayag ng IFI:Ang Iglesya, na tinawag ng Diyos na maging Kanyang bayan, ay ipinadala din. Sa bisa ng Kanyang banal na "pagtawag" at "pagsugo", siya ay misyonero sa katangian.” (SCM, # 7).

“Ang Iglesia Filipina Independiente ay may misyon na ihayag, ilantad at iproklama ang Isa at Tunay na Diyos "kung kanino tayo nabubuhay at gumagalaw at sa ating pagiging tao" (Mga Gawa 17:18) sa puso, isip, kultura at buhay ng sambayanang Pilipino (Mga Gawa 17:23 ff). Sa pamamagitan nito malalaman ng mga Pilipino na Siya ang Diyos na lumalang at tumubos sa mundo, na pinagpala tayo ng bansang ito at ng Simbahang ito ng Pilipino at sa gayo’y inilapit tayo sa Kanya. (SCM. # 9).

Misyon ng IFI: Mayroong limang larangan ang misyon ng IFI. Ito ay pagsamba, pagpapa-unlad ng tao, panlipunang paggawa, buhay ekyumenikal, at pagbabago at pagkakasundo. 

Koinonia at Diakonia:  Ang ministriya ng IFI ay tinatwag na Koinonia at Diakonia.  Ito ay hindi mapaghihiwalay at magkakambal na gawain o ministriya ng IFI.  Ang “Koinonia,” ("koy-nohn-ee’-ah"), na isang salitang Griego, ay nangangahulugang "pagsama-sama sa pamamagitan nang masugid na pakilalahok" sa mga gawain at paglilingkod. Ang Diakonia naman, "diakonie," ay isang terminong teolohikal na Kristiyano mula sa Griego na sumasaklaw sa "panawagang maglingkod sa mga dukha at inaapi." Itinalaga ang Simbahan upang magkawang-gawa at lingapin ang mga dukha.

Ang Koinonia ang pinagsisikapan natin sa ating Simbahan. Tinawag tayong makisama sa isa't-isa at hangad natin ang isang matalik na pamayanan kung saan mapangangalagaan ang iba. Bilang Sambayanan ng Diyos palagi nating itanim sa kaisipan na ang mabuting pakikisama ay utos ng Diyos. “Ang Diyos ay tapat; sa pamamagitan Niya ay tinawag kayo sa pakikisama sa kanyang Anak na si Jesucristo na ating Panginoon.” (1 Corinto 1: 9 NRSV).

Ang Diakonia ay isang palagiang paalala nang pag-ibig na walang pag-iimbot na itinuro ni Jesus, mula sa  nasabing talata sa Ebanghelyo ni Lucas 10: 25-37, ang kwento ng Mabuting Samaritano. Ang mga unang alagad ay partikular na tumugon sa katotohanan na ang Panginoong Jesus ay nabuhay, nagturo, at namatay sa abang-kalagayan. Natanto nila na kung pinili ng Panginoon na makita Siya bilang isang taga-paglingkod, ang mga pinuno ng mga kongregasyon ay dapat ding tularan ang mabuting halimbawa ng Panginoong Jesus.

Ang Koinonia at Diakonia ng IFI ay nauugnay sa "gawain ng pagpapalaganap ng Ebanghelyo" na may pagsasaalang-alang sa kalagayan ng buhay ng mga tao. "Upang maisakatuparan at matupad ang gawaing ito ng pangangaral, dapat isaalang-alang ng Simbahan (IFI) ang mga kagalakan, pagkabalisa, hangarin, hinaing at pagdurusa ng sangkatauhan. Nararapat ding suriing mabuti ang mga palatandaan ng panahon at bigyang kahulugan ang mga ito batay sa liwanag ng Ebanghelyo, upang Siya bilang Simbahan ay tumugon (misyon) sa katanungan ng sangkatauhan at ipamulat ang pagliligtas na gawain ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kawang-gawa, paglilingkod (Diakonia), at pakikiisa sa mundo, lalo’t higit sa mga mahihirap, inaapi, at yaong nayurak nang pagpapahirap.” (SCM # 22).

Ang ating pagsunod sa Panginoong Jesu-Kristo ay nangangahulugang kinikilala natin Siya, sinusunod at isinasabuhay natin ang Kanyang katuruan, at ipagpapatuloy natin ang Kanyang misyon at ministriya.
 

Pagpalain nawa tayo ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Amen.

 


 

Pin It

●●●●●