fbpx

August 29, 2021

TRADISYON O BANAL NA SALITA NG DIYOS?

Isang Pagninilay Para sa Ika-14 Linggo ng Pentekostes
Marcos 7:1-8, 14-15, 21-23


Ni: Reb. Padre Ferdinand P. Alvarez
Misyon ng Banal na Bata, Punta, Santa Ana, Maynila

Marami ang naniniwala sa Diyos, at maraming ginagawa ang mga tao na pamamaraan upang sumamba sa Kanya. Si Moises ang nagpakilala nang tamang pamamaraan sa mga Israelita kung papaanong ito ay dapat maisagawa: (1) Pakikinig at pagkilos mula sa natutunang Salita mula sa Kanya. At sinabi niya na dito magmumula at sisibol ang karunungan na maaaring ikagulat ng ibang lahi kung bakit ang ating tinatawag na Diyos ay buhay at walang katulad; (2) Walang pagdaragdag at pagbabawas nang nakasulat na Salita. Alam ni Moises na maaaring baliin o baguhin ang nakasulat kapag ito ay magdudulot ng hirap o sakripisyo. Sadyang malinaw kay Moises ang pagsunod sa Kanyang Salita ay magdadala nang pasakit at hirap; ngunit hindi ito maaaring baliin, at patungo ito sa tunay na pagsamba. Malaking aral magpahanggang ngayon ang tinatawag na "deposits of faith" (sisidlan o lagak ng pananalig) kung saan walang maaaring makapagpabago sa salitang naisulat na at nakatala sa ating Biblia. 

Sa pagpapatuloy ni Santiago hinggil sa tunay na pagsamba sa Diyos ay sinamahan niya ito nang paggawa. Hindi maaaring manatili ang Salita sa isang "intellectual discussion" (talakayang pangkaisipan) lamang, kaya't pinabatid niya na kung tunay ang inyong hangaring makinig at magsabuhay nang Kanyang utos ay dapat alagaan ninyo ang mga balo at naulila. Ang mga taong pinakakawawa na wala nang inaasahan kung hindi ang Diyos ang may tunay na pagkilala sa Diyos.

At sa huli, ang Panginoong Hesus ang muling nagdiin na ang Salita ng Diyos ay ang pinaka-mahalaga kaysa ano pa mang tradisyon. Ito ay malaking hamon sa ating pagiging Simbahan na kung saan malimit na nating marinig ang mga salitang: "Ito ang gusto ng mga tao; ito ang dati na naming ginagawa; minana namin ito sa matatanda na nagtayo ng aming simbahan; at marami pang iba." Balikan natin ang sinabi ni Moises na walang dapat babawasin at idaragdag sa nakasulat ng Salita. Ano man ang gawain ng ating Simbahan, ito ay dapat mula sa Diyos; mula sa Kanyang Salita; at wala nang iba pa. Ang sinabi ni Hesus na mali tungkol sa isang "tradisyong nakasayanan o pamana" ngunit wala namang sadyang nakasaad na Salita ay hindi natin nararapat sundin. 

Mahirap sa ating mga Pilipino ang sinasabing, "it is hard to say no;" kaya’t marami ang sunud-sunuran na lamang sa mga “pakulo at palabas” para mabigyan nang kasiyahan ang mga taong nagsisimba. Kaya’t kapag tinanong ang taong nanggaling sa simbahan kung ano ang sinabi ni Padre sa kanyang homilya sa Misa, ang matunog na sagot ay “Maganda ang bagong joke ni Father; tawa ako nang tawa.” Alin ba ang higit na dapat maalaala ng mga tao?

 


 

Pin It

●●●●●