ANG TUNAY NA KADAKILAAN
Isang Pagninilay Para sa Ika-17 Linggo ng Pentekostes
Marcos 9: 30-37 | 19 Setyembre 2021
Ni: Reb. Padre Vincent-Marie Taguinod
Diyosesis ng Kalakhang Maynila
Likas na sa tao ang maghangad na maging dakila. Aminin man natin o hindi, madalas na nag-uudyok sa atin na kumilos para paghusayin ang anumang ating gawin: ang pahahangad na maging dakila. Sa likod nang ating mga pagsusumikap: sa pag-aaral, sa ating mga career, sa ating mga ugnayan, atbp., malaking bahagi ang kagustuhan natin na kilalanin tayo nang mga taong mahalaga sa atin, o nang mga nasa paligid natin. Minsan ang paghahangad na ito ay nagdudulot nang pagkabulag na kung ano ba talaga ang tunay na mahalaga; at kung hindi natin maagapan ay mauuwi ito sa paghahari nang inggit at maka-sariling hangarin sa ating puso, gaya nang sinasabi ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Hindi na natin kailangan pa nang higit na maraming patotoo sa kung paanong winawasak nang hungkag na pagnanasang maging dakila ang puso ng tao. Saksi ang kasaysayan maging ang ating kasalukuyang krisis kung paanong ang pagnanasa nang tao na maging dakila ayon sa panuntunan ng daigdig na ito ay nagdudulot nang pagyurak at kawalan ng pakialam sa kapuwa.
Sa panuntunan ng daigdig na ito, ang dakila ay ang makapangyarihan, ang pinaglilingkuran, ang nauuna, ang may sinasabi sa lipunan, ang nakalalamang sa iba. Mapanlinlang ang ningning nang inihahandog ng daigdig, sapagkat ang mga pangako ng kadakilaan nito ay hindi makapupuno kailanman sa tunay na ninanasa ng puso ng tao. Ito na yata ang pinakamatandang kasinungalingan: ang huwad na pangako ng ahas sa Halamanan ng Eden na tumukso sa mga unang magulang natin na maging mga parang Diyos; ang mapaglingkuran, sa halip na maglingkod. Kabaligtaran ito nang itinuturo nang ating sinusundang Guro na si Jesus, na nag-iimbita sa atin na iwaksi ang walang kabuluhang kadakilaan at yakapin ang radikal na kadakilaan sa paghahari ng Diyos; kadakilaang taliwas sa pagpahahalaga ng daigdig.
Sa ating Ebanghelyo sa Linggong ito, sinasabi na hindi maunawaan ng mga alagad ang mga hula ng Panginoon ukol sa pararating Niyang kamatayan sa krus. Siya na may Akda sa lahat ay ipinapakita ang tunay na kadakilaan -- ang paglilingkod sa iba at pagkiling sa aba, sa sukdulang pagbibigay nang Kanyang buong sarili hangang sa kahiya-hiyang kamatayan, para sa Kanyang iniibig. Ngunit hindi pa ito ganap na naiintindihan ng mga alagad niya; ipinapakita ito nang kanilang pagtatalo sa isa’t-isa na kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naroroon ang paghahangad na maka-ungos sa bawat isa at kilanlin bilang pangunahing alagad. Kakat’wa ang naging tugon ng Panginoon at kabaligtaran nang kanilang inaasahan: ang tunay na dakila ay hindi ang maka-ungos sa iba at mapaglingkuran, kundi ang maging huli’t hamak, at maglingkod!
Paulit-ulit at direktang ipakikita ito ng Panginoon hangang sa huling hapunan sa Kanyang paghuhugas ng kanilang mga paa; at magiging ganap sa Kanyang pag-aalay ng Kanyang sarili sa kamatayan sa Krus. Nasa mahalagang aral na ito ang tunay na sagot sa pagnanasa ng tao na maging dakila. Ang hinahanap nating magbibigay saysay sa ating buhay ay hindi matatagpuan sa pagiging puno sa sarili kundi sa pagwaksi sa pagkamakasarili. Ito ang tanging paraan upang matutong umibig nang tunay; hangga’t ang pangunahin ay ang sarili, walang tunay na pag-ibig. At hangga’t walang tunay na pag-ibig, walang saysay ang buhay sapagkat nilikha tayo sa larawan at wangis ng Diyos, ang Diyos ng Pag-ibig na ganap na nagpakilala sa pagkakatawang-tao ni Kristo na nag-alay ng Kanyang sarili dahil sa dakilang pag-ibig. Kabalintunaan ngunit matatagpuan lamang natin ang ating tunay na sarili sa pag-ibig na walang pagkamakasarili. At sa huli, ang tunay na dakila ay ang nakasumpong sa pag-ibig na ito; yaong natutong mag-alay ng sarili. Ito ang tanging kadakilaang magpapaging-ganap sa atin, at pupuno sa tunay na hangarin ng ating mga puso.