fbpx

September 26, 2021

KAANIB KAY KRISTO

Isang Pagninilay Para sa Ika-18 Linggo ng Pentekostes
Marcos 9:38-48; 26 Setyembre 2021


Ni: Reb. Padre Severino Dancel Ismael
Katedral ng Kristong Nakapako sa Krus

Nagkalat sa panahon ngayon ang iba’t-ibang uri ng relihiyon, ngunit karamihan sa mga ito ay nasa ilalim pa rin ng Kristiyanismo. Ito’y mga relihiyon na naniniwalang si Kristo ay Diyos na magliligtas sa atin. Ngunit sa kabila nang kanilang pagiging Kristiyano, may ilang mga grupo ang naninira sa kapuwa nila Kristiyano; may mga grupong naniniwala na sila lamang ang tunay na Kristiyano at sila lamang ang masasagip mula sa kasalanan. 

Sa ating Banal na Ebanghelyo, ang mga alagad ng Panginoon Hesus ay nagsabi sa Kanya na mayroon silang nakitang nagpapagaling din ng maysakit sa pamamagitan ng Pangalan ni Hesus at pinag-bawalan nila ito dahil hindi raw nila kasama. Ang Panginoon ay nagsabi, “Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa atin ay panig sa atin.” Ito ay mga salitang nagbibigay kahulugan sa ating kalagayan ngayon. Walang sino man sa atin ang may karapatang manira at magbawal sa ibang relihiyon na hindi natin nasasakupan, bagkus dapat higit pang paigtingin ang pagkakaisa at pagkakaunawaan dahil tayo ay pantay-pantay na mananampalataya sa ating Panginoon Hesukristo. 

Isang magandang pagkakataon noong Agosto 3, 2021, sa Pambansang Katedral, na nasaksihan ang dalawang Simbahan, Iglesia Filipina Independiente at Iglesia Romana Katolika, ay lumagda sa isang kasunduan ng pagkaka-isa at pagkilala ng Binyag ng bawat isa.  Ang makasaysayang kaganapang ito para sa dalawang Simbahan ay nagpahiwatig din nang unawaan sa pamamagitan ng Pangalan ni Hesus; isang dakilang parangal para sa kaluwalhatian ng Diyos at nagbigay kabuluhan sa ika-500 taong anibersaryo ng Kristiyanismo ng Pilipinas.

Ang ating Panginoong Hesukristo ay inaanyayahan tayong magkaisa sa Kanyang Pangalan; gumawa at humanap nang paraan kung paano mapagkasusundo ang lahat ng Kristiyano sa mundo sa kabila nang kanilang kaibahan sa pagsamba at mga tradisyon.

Sa mga sumunod na talata ng ating Panginoon Kanyang winika, “Ang sino mang magbigay ng isang basong tubig dahil sa kayo’y kay Kristo ay tiyak na gagantimpalaan.” Ang mga talatang ito ay nangangahulugan na sa anumang bagay na ating ginagawa, maliit man o malaki, kailangang gawin ito sa Pangalan ni Hesus; at tayo ay may kakamiting gantimpala sa takdang panahon. Nararapat lamang bilang mga taga-sunod ng ating Panginoong Hesukristo na gumawa nang kabutihan sa ating kapuwa na kaanib man ng simbahan o hindi. Hindi tayo dapat magkait nang kabutihan sa iba, sapagkat ang lahat nang ating gawain ay sumasalamin sa ating pananalig kay Kristo. Iba’t-iba man ang ating relihiyon tayo ay pinagkakaisa ng Pangalan ni Hesus at sa pamamagitan Niya tayo ay dapat gumawa nang kabutihan sa isa’t-isa.

 


 

Pin It

●●●●●