fbpx

November 7, 2021

ANG TUNAY NA PAGBIBIGAY

Isang Pagninilay Para sa Ika-24 Linggo ng Pentekostes Marcos 12:38-44; Nobyembre 7, 2021


Ni: Reb. Padre Nixon Jose
Parokya ng Santo Sepulkro, Paco, Maynila

Nais kong bigkasin ang buod ng mensahe ng Ebanghelyo ngayong Linggo sa isang katanungan: Paano natin malalaman na tayo ay tunay na nagbibigay sa Panginoon?

Sa ganyang diwa, halina at balikan natin ang ating Ebanghelyo para sa Linggong ito.

Ang ating Ebanghelyo ay isinulat sa panahon nang matinding pagtuligsa sa mga mananampalatayang Kristiyano (Marcos 70 AD). Kilala ang taon na ito bilang “Pagbagsak ng Jerusalem”. May himagsikan noon na nahulog ang Jerusalem sa kamay ng Imperyong Romano dahil sa pakikipaglaban ng mga Kristiyano mula sa kanilang pananakop. Libu-libo ang mga namatay sa panahong ito; libu-libo ring mga Judiong sumama sa digmaan ang mga nahuli at ipinagbili bilang mga alipin. Sa panahon ding ito sila’y naging Kristiyano at tinalikdan ang kanilang pananampalatayang Judaismo. Sila’y sinimulang tuligsain kung kaya’t nagbuo sila ng isang lihim na kilusan. Sa kanilang kapanahunan, kapag ang isang mananampalataya ay nahuli, maaaring pumili siya mula sa dalawang bagay: (1) Itakwil si Jesus at iwan ang kilusan, o kaya’y gawing (2) Panindigan hanggang kamatayan ang kaniyang pananampalataya at pagsunod sa Kanya. Maraming mga natakot at lumayo na sa kilusan; mayroon din namang naging matatag at nanindigan. Sila ang tinatawag na mga martir ngayon na nagsilbing binhi ng katatagan ng mga sumunod na kaanib.

Dahil sa sila’y inusig at pinahirapan, sila’y sumamba nang patago sa mga nitsong libingang nasa ilalim ng lupa (katakumba) o sa mga lihim na bahay-dalanginan. Kung papansinin natin, dito matapang ang pagsasalarawan sa Panginoong Jesus kung ihahambing Siya sa tala ng ibang Ebanghelyo. Si Jesus ay pinapakitang palaban sa mga tumutuligsa sa mga tagasunod Niya, bagamat hinahamon naman Niya ang Kaniyang mga mananampalataya. Sa Ebanghelyo ni Marcos, ang pagsunod sa Kaniya ay katumbas nang isang patuloy na pakikibaka hanggang kamatayan: hindi pagsunod na alanganin o walang sigla, kundi buo ang loob, walang pagdududa, walang puknat na pagtitiyaga, at handang mamatay alang-alang sa pag-big sa Kaniya. Ang katumbas nitong gantimpala ay ang kaganapan nang buhay na walang hanggan.

Sa ganitong salamin ay mapapansin ang ginawang pagpuna ni Jesus sa mga mapagkunwaring tumutuligsa sa Kaniya at mga tagasunod Niya. Tinutukoy dito ang mga escriba o guro ng Batas-Judio. Ang mga escribe na bihasa sa Batas, katulad ng mga Pariseo, ay madalas katunggali ni Jesus sa mga talakayan o pagtatalo tungkol sa mga Batas nila. Mula sa sampung (10) utos ng Diyos na ipinagbilin kay Moises, ito ay dumami at umabot hanggang sa humigit na 600 utos. Kasama sa mga karagdagan dito ang tungkol sa mga pagkaing pinagbabawal at maaaring kainin, na sinusunod pa ring literal ng mga kasapi ng ibang relihiyong Kristiyanismo. Pinuna ni Jesus ang kanilang pagpapakitang-taong gawain lamang na may masamang layunin, na sa panahon ngayon ay ginagamitan ng kanilang tungkulin o posisyon para sa kanilang sariling pag-unlad at kapakinabangan.

Siya’y nagbigay-diin pa rin sa pagbibigay ng mga tao na may lihim na hangarin para sa sariling katanyagan. Aniya, dapat ito’y bukal sa kalooban, matapat at hindi pakitang-tao lamang. Higit pa rito, magiging kalugod-lugod lamang ito kung magbibigay para sa pangangailangan ng iba o nakararami.

Kaya’t ano ang mga aral mula sa nakaraang 2,000 taon?

Kadalasan, nagbibigay tayo sa ating mga anak sa kanilang baon para sa paaralan; ito’y pinaglalaan natin sa ating badyet. Malaking bahagi ng ating katungkulan bilang magulang ang pagkalooban ang kanilang mga pangangailangan. Ang ating pagpapagal sa hanap-buhay ay para sa kanila sapagkat minamahal natin sila. Kapag may minamahal tayo, ibig nating ibigay ay iyong pinakamabuti o pinakamagaling.

Nagbibigay rin tayo sa ating mga kaibigan o kapwa, lalo na sa panahon ng ambagan, may kaarawan, o anumang pangangailangan. Kadasalan ang ipinagkakaloob lamang natin dito ay yaong labis o sobra sa atin, at hindi na gaanong kailangan pa kagaya ng barya lamang.

Sa ganyang diwa rin natin pinahahalagahan ang tungkol sa ating handog sa Diyos. Wika Niya, ang sampera na inihandog ng babaeng balo ay nagpakita ng totoong diwa nang tunay na pag-aalay sa Diyos. Sa kanilang kapanahunan, ang babaeng balo ay nasa pinakamababang antas o laylayan sa lipunan dahil sa kakulangan ng salapi. Bilang asawa, pinagbabawalan ang babae na magtrabaho at umaasa na lamang sa ibinibigay ng kaniyang asawa. Kaya’t kapag naging isang balo na, wala na siyang bukal ng pera. Ngunit ayon sa ating Ebanghelyo ang inihandog ng babaeng balo, bagamat kakaunti, ay pinakamahalaga sa lahat nang nagbigay sa Templo. Ito ay para sana sa kanya pangangailangan subalit mataimtim niya itong inihandog sa Diyos; at ito ay lubos na kalugod-lugod sa Panginoong Jesus.

Katulad nang ginagawa natin para sa ating pamilya at mga anak, na pinaglalaanan natin nang halaga sapagkat minamahal at pinananagutan sila, ibinibigay natin ang kanilang maraming pangangailangan kahit na ang katumbas nito ay malaking pagpapakasakit. Nararapat lamang na ganoon din ang pagbibigay natin sa Diyos sapagkat ito’y magpapatunay lamang na iniibig at pinahahalagahan natin ang pag-aalay sa Panginoon.

Ayon sa ating Ebanghelyo, kung nararamdaman natin ang sakit o hirap ng pagbibigay, ito’y nagpapatotoo na tunay nga ang ating paghahandog sa Diyos. Nawa’y kasiyahan tayo ng Maykapal!

 


 

Pin It

●●●●●