KAILAN ITO MANGYAYARI?
Isang Pagninilay Para sa Ika-25 Linggo ng Pentekostes
Marcos 13:1-8
Ni: Reb. Padre Ricardo Aliwalas
Kura Paroko, Misyon ng Birhen Balintawak, Sucat, Paranaque
PANIMULA
Iniugnay ni Hesus ang pagkawasak ng Templo sa Jerusalem sa katapusan ng mundo kung kailan darating ang napakaraming mga kagila-gilalas na pangyayari. Binabalaan tayo ng Mabuting Balita na mag-ingat na maniwala sa mga bulaang propeta sapagkat maglilitawan ang mga ito. Walang nakaaalam kung kailan mangyayari ang katapusan ng mundo, kaya nga’t napakahalaga na lagi tayong maging mapagmasid at maghanda.
Papaano? Kailangan tayong mamuhay sa katotohanan at pag-ibig. Sa pagharap sa ating Panginoon, isang bagay lamang ang mananatili at ito ay ang pag-ibig. Magandang tandaan na ang paghahanda sa kabilang-buhay ay ang pamumuhay nang tama at mabuti sa kasalukuyang buhay.
MAHALAGANG ARAL
“DARATING ANG ARAW NA WALANG MATITIRANG MAGKAPATONG NA BATO SA LAHAT NANG INYONG NAKIKITA.”
Sa Liturhikal na kalendaryo ng Simbahan at sa ating Pagbasa sa Linggong ito, nakatala na ang mga huling araw ay darating at ipinapaalaala sa atin ang katotohanan tungkol sa paglipas at pagtatapos ng mga bagay sa mundo sa takdang panahon. Hindi pa man ito nangyayari ngayon, nakatitiyak tayong magaganap ang wakas sa oras at panahong itinakda ng Diyos Ama.
Hindi takot o pangamba ang dapat mangibabaw sa ating damdamin, sa halip ay asahan natin na ang Diyos ay pagtitibayin o patatatagin ang ating pagtitiwala sa kanya. Dapat na
mamuhay tayo dito sa lupa na nakatuon ang isip sa paggawa nang makalangit na bagay sapagkat iyon naman ang tunay na pinakamagandang paghahanda para sa langit.
Hindi makatutulong ang takot at labis na pangamba at pag-aalaala sa anumang maaaring mangyari sa sandaling dumating na ang panahong tinutukoy ng ating Panginoong Hesukristo. Sa pagtatapos ng panahon at ng mga nilikhang-bagay, nakatitiyak naman tayong magiging bago, ganap, at mabuti ang lahat sa kamay ng Panginoong Diyos.
KONGKLUSYON
Mamuhay tayo sa ngayon na para bang bukas ay darating na ang wakas ng panahon upang sa bawat araw ay magawa natin ang mabuti at karapat-dapat. Sa iba’t-ibang pangyayaring dumaan sa ating buhay, magin mang bagyo, lindol, karahasan o kaguluhan sa iba’t-ibang lugar, ngayon namang nasa panahon tayo ng pandemya, napakahalagang manatili sa atin ang katatagan, pag-asa, at mataimtim na pananampalataya. Sa ganitong pamamaraan, masasabing tayo’y laging handa.
Ipinahiwatig ni Hesus na ang napakagandang Templo ng Jerusalem ay mawawasak, madudurog, at tuluyang mawawala. Ang lahat ng bagay sa mundo, gaano man kaganda, ay may hangganan o katapusan din.
Sa panahon natin ngayon, naglalabasan ang mga magaganda at malalaking Simbahan na inaasahang magiging sentro ng pananambahan at pagtawag sa Diyos, subalit ang mga ito ay wari bagang mga lugar na lamang para sa pagbisita ng mga turista. Ang malalaki at magagandang simbahang-gusali na walang buhay at walang mananampalataya ay hindi simbahang sambayanan ng Diyos. Ang pamayanan na may tunay na malasakit ang Simbahan ng Diyos na siyang patuloy na humahamon sa ating lahat upang ipangalat ang Kanyang Mabuting Balita at palawakin pa ang misyon ng Diyos. Dumating man ang wakas ng panahon, mananatiling nakatayo ang tunay na Simbahang bago, ganap, at buhay para sa kaluwalhatian ng Diyos
Huwag nating itali ang ating puso at isipan sa mga bagay na lumilipas, bagkus panghawakan natin ang mga bagay na magdadala sa atin sa Buhay na Walang Hanggan.
Ipagkatiwala natin ang nakaraan sa awa ng Diyos, ang kasalukuyan sa Kanyang pag-ibig, at ang kinabukasan sa Kanyang pagpapala. Purihin ang Maykapal!