BINYAG NG ESPIRITU SANTO AT NG APOY
(Isang Pagninilay para sa Unang Linggo ng Epipanya, Enero 9, 2022) Lucas 3:15-17, 21-22
Ni: Reb. Padre Dionito M. Cabillas
Parokya ng Mabuting Pastol, Lubiran, Santa Mesa, Manila
ANG BINYAG MULA SA BANAL NA KASULATAN
Ang Ebanghelyo sa Linggong ito ay patungkol sa binyag ni Juan Bautista at binyag ng Panginoong Jesus. Ang mga talata 15-17 mula kay Lucas ay paliwanag ni Juan hinggil sa kanyang binyag at sa binyag na gagawin ng Panginoong Jesus. Sa bahaging ito, ating ituon ang ating pagninilay.
Ang binyag ni Juan Bautista ay ginawa sa pamamagitan ng tubig, samantalang ang binyag ng Panginoong Jesus ay sa pamamagitan ng “Espiritu Santo at ng apoy.” Si Juan Bautista ay nagbibinyag para sa pagsisisi ng kasalanan (3:11). Ang Panginoong Jesus ay natatanging walang kasalanan at hindi nangangailangan ng pagsisisi. Subalit, Siya ay nagpabinyag pa rin upang sundin ang kalooban ng Diyos (Mateo 3:15), at magbigay Siya ng mabuting halimbawa para sa Kanyang mga alagad at sa lahat ng tao sa sanlibutan na dapat silang magpabinyag din.
ANO ANG BINYAG?
Ang binyag ay para sa kaligtasan ng mga tao mula sa kasalanan. Ang mga masasama ay may panahon pang magsisi ayon kay Juan Bautista. Sinabi niya: “Ipakita ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi kayo, at huwag ninyong sabihing mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makalilikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham.” (Lucas 3:8)
Ipakita natin ang pagsisisi sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa. Ang pangangaral ng pagsisisi ni Juan Bautista ay bahagi lamang ng iba pang mga bagay na “ipinapangaral ni Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita.” Halimbawa, si Herodes Antipas, ang gobernador ng Galilea at Perea, ay pinangaralan din ni Juan Bautista dahil sa pakikiapid niya sa kanyang hipag na si Herodias. Upang makaganti, iniutos ni Herodes Antipas na dakipin, ibilanggo, at pugutan ng ulo si Juan Bautista.
Ayon kay Juan Bautista, ang Panginoong Jesus ay magbibinyag sa pamamagitan ng “Espiritu Santo at ng apoy.” Ang Espiritu Santo ay isang larawan ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. Subalit, ang apoy ay larawan ng paghatol. Ang Panginoong Jesus ay may kapangyarihan na humatol, at ang hahatulan, mga masasama, ay susunugin sa apoy na hindi namamatay.
Sa binyag ng Panginoong Jesus (Lucas 3:21-22), ang Espiritu Santo na bumaba sa Kanya na anyong kalapati ay hindi kalapati. Dahil hindi makikita ang Espiritu Santo, ang Diyos ay gumawa ng paraan upang makita ang imahe ng Espiritu Santo. Kailangan na masaksihan ng mga alagad at ng mga tao ang pagbaba ng pagpapala ng Diyos. Ito ang patotoo ng Diyos Ama.
Sa Aklat ng Genesis, ang kalapati ay isang mapayapang simbolo at tanda ng presensya ng Diyos. Ito ay isang pangako ng kaligtasan. Ang anyo ng kalapati sa binyag ni Jesus ay may dalang pangako ng kaligtasan.
Ang “isang tinig mula sa langit” ay isang katibayan nang nagsasalitang Diyos. Ang Diyos ay hindi nakikita ngunit naririnig ang Kanyang tinig. Ang “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan,” (3:22) ay tinig na maririnig din sa pagbabagong-anyo ni Jesus: “May isang tinig na nagsalita mula sa ulap, ‘Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang. Pakinggan ninyo siya!’” (Lucas 9:35)
Ang talata 22 sa Lucas 3 ay binanggit din sa Awit: “Ipahahayag ko ang sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ikaw ang aking anak, mula ngayo'y ako na ang iyong ama” (Awit 2:7), at sa Aklat ni Propeta Isaias: “Sinabi ni Yahweh, ‘Narito ang lingkod ko na aking hinirang; ang aking pinili at lubos na kinalulugdan ibinuhos ko sa kanya ang aking Espiritu, at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa.’” (Isaias 42:1)
Ang Panginoong Jesus ay hindi lamang isang propeta na nagpapahayag ng patutunguhan ng mga mabubuting tao at hahatulan din ang mga masasama na itatapon sa apoy na hindi mamatay pagdating sa takdang panahon ng paghuhukom. Ang kaisipang apoy ay hango sa Aklat ni Propeta Isaias na tumutukoy sa parusa ni Yahweh sa mga masasama: “Sa kanilang pag-alis, makikita nila ang mga bangkay ng mga naghimagsik laban sa akin. Ang uod na kakain sa kanila'y hindi mamamatay, gayon din ang apoy na susunog sa kanila. Ang kalagayan nila'y magiging kahiya-hiya sa buong sangkatauhan.” (Isaias 66:24)
Ang pagiging Anak ng Diyos ng Panginoong Jesus ay ipinahayag mula pa sa Kanyng kapanganakan. Sinabi ni Anghel Gabriel kay Maria: “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapasasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos.” (Lucas 1:35) Ang pahayag ng Diyos sa binyag ni Jesus ay isang muling pagpapatibay lamang sa pahayag ng anghel na ang Panginoong Jesus ay Anak ng Diyos mula pa sa pagtawag kay Maria na Kanyang magiging ina rito sa lupa.
Pagkatapos mabinyagan ang ating Panginoong Jesus, ang patotoo ni Juan Bautista tungkol kay Jesus ay naganap na, at ito ay hudyat nang pagsisimula na ng Kanyang ministriya.
ANG BINYAG AT MINISTRIYA SA IFI
Ang ministriya ng Panginoong Jesus at ang ministriya ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) para sa mga kasapi nito ay nagsimula sa kanilang binyag. Sila ay tinuturuan na: “Ang binyag ay kailangan para sa kaligtasan. Ito ay nangangahulugan at nagbibigay ng biyaya, paglilinis mula sa orihinal na kasalanan pati na rin ang aktwal na kasalanan na dating nagawa; ginagawa tayong mga anak ng Diyos at tagapagmana ng buhay na walang hanggan. Ang epekto nito ay ang pagpasok natin sa Simbahan ng Diyos. Ito ay pinangangasiwaan sa pamamagitan ng tubig at salita sa ‘Pangalan ng Ama, Anak, at ng Espiritu Santo.’” (IFI Articles of Religion, No. 4, Baptism)
Ang Ritwal ng Binyag ng IFI (1961) ay isinasagawa sa pamamagitan ng tubig at Espiritu Santo. Sa oras na ang bata ay dadalhin sa simbahan (sa pabinyagan), ang unang ginagawa ng ministro pagkatapos ng pagbanggit sa Dakilang Utos ay ang pagkakaloob ng Espiritu Santo; hihipan ng ministro ang ulo ng bata. Pagkatapos na mabuhusan ng tubig ang bata ay sabay na sasambitin: “Binibinyagan kita sa Pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo,” at ang bata ay papahiran ng langis (banal na krisma). Susunod na sasabihin ng ministro: “Ang makapangyarihang Diyos, ang Ama ng ating Panginoong Jesucristo na nagsilang sa iyo sa pamamagitan ng Tubig at ng Espiritu Santo at nagtubos sa iyo mula sa iyong mga kasalanan, at napahiran ka ng krisma ng kaligtasan upang magkaroon ka ng buhay na walang hanggan; sa pamamagitan ni Jesucristo, ating Panginoon.”
Ang binyag ng IFI ay tanda/tatak ng isang pagiging kasapi -- tunay na kasapi na ipinanganak sa pamamagitan ng Tubig at Espiritu Santo.
ANG BINYAG NG APOY
Ano ang ibig sabihin ng binyag ni Jesus sa pamamagitan ng “apoy”? Kung ang “apoy” ay larawan ng paghatol, ito ay mangyayari sa wakas ng panahon. Ang kahulugan nito ay ang Panginoong Jesus ang hahatol sa atin sa wakas ng panahon bagamat tayo’y nabinyagan na. Ang binyag ng IFI, bagama’t buo at sapat na para sa kaligtasan, sa Huling Araw ay kinakailangan pa rin na humarap tayo sa ating Panginoong Jesucristo upang mag-ulat sa ating mga nagawa sa ating kapwa (Mateo 25:31-46).
Kaya, tanggapin natin ang binyag ng Panginoong Jesus bilang tanda ng ating pananampalatya sa Kanya, na Anak ng Diyos Ama; Siya na nagbinyag sa atin “sa pamamagitan ng Espiritu Santo” at magbibinyag sa atin ng “apoy” sa Huling Araw ng Paghuhukom.
Si Jesus ay Anak ng Diyos. Si Juan Bautista ay nagpatotoo na Siya “ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy.”
Pagpalain nawa tayo ng ating Panginoong Jesucristo. Amen.