fbpx

January 16, 2022

GABAY NG MAGULANG SA MGA BATA

(Isang Pagninilay para sa Ikalawang Linggo ng Epipanya, Enero 16, 2022) Lucas 2: 41-52


Ni: Reb. Padre Severino D. Ismael
Katedral ng Kristong Nakapako sa Krus, Diyosesis ng Kalakhang Maynila

Ang araw na ito ang panahon kung saan ang ating Simbahan ay kadalasang nagdiriwang ng kapistahan ng Poong Sto Niño. Sa loob ng ating Diyosesis ay may mga simbahan na ang kanilang patron ay Sto. Niño katulad ng Pandacan, Tondo, at Punta. Isang napakagandang Imahe ng ating Panginoon na nagpapakita ng Kanyang kadakilaan kahit na Siya ay bata pa lamang. 

Katulad nang nabanggit sa ating Banal na Ebanghelyo, nagpunta ang mag-anak nina Jose, Maria at Jesus sampu ng kanilang ibang kasapi ng pamilya sa Jerusalem upang sumamba sa Diyos sa Templo. Sa pangyayaring ito, nagpaiwan ang ating Panginoon dito, bagamat Siya ay bata pa lamang, labindalawang taong gulang. Makikita natin ang Kanyang interes sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pakikinig at pagtatalakayan sa mga guro sa loob ng Templo. Dito Siya natagpuan ng Kanyang mga magulang. Sa musmos na kaisipan ni Jesus, ipinamalas Niya sa mga kasamang guro ang Kanyang mga kaalaman patungkol sa Salita ng Diyos, at ang lahat ay namangha sa talinong taglay ng ating Panginoon.

Sa pangyayaring ito hindi maiwasan ng Kanyang mga magulang ang mag-alala sapagkat si Jesus ay natagpuan lamang makalipas nang tatlong araw ng paghahanap nila. Kaya’t tinanong Siya ni Maria at sinabi, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa Iyo.” At ang sagot ni Jesus ay, “Bakit po ninyo Ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na Ako’y dapat na nasa bahay ng Aking Ama?”

Ang mga katagang ito ay nagpapatunay na si Jesus ay isang tunay na Diyos. Sa Kanyang murang gulang pa lamang ay nauunawaan na Niya ang Kanyang tungkulin na dapat gampanan para sa sanlibutan. Isang mahirap na kalagayan para kay Maria na magkaroon ng Anak na Diyos, sapagkat kailangan niyang maunawaan na ang Kanyang Anak ay kakaiba sa ibang mga bata dala nang pagiging Diyos Nito. Ganoon pa man, ang ating Panginoon ay naging isang masunuring Anak.

Ang Banal na Ebanghelyo ay nagtuturo sa atin na kahit sa murang edad ay maaari na nating ipakita ang ating pananampalataya sa Diyos. Hindi hadlang ang pagiging bata sa paglilingkod at pag-unawa sa Salita ng Diyos. Sa kabilang banda, itinuturo rin sa atin ng Ebanghelyo para sa bahagi ng mga magulang na sila ay dapat magturo ng pananampalataya sa kanilang mga anak nang sa gayon ay maging mabuti at maayos ang kanilang paglaki; kailangan na sila ay magabayan sa ilalim ng pananampalataya at takot sa Diyos. 

 


 

Pin It

●●●●●