fbpx

February 20, 2022

MAHALIN ANG KAAWAY

Isang Pagninilay Para sa Ika-Pitong Linggo ng Epipanya,  Pebrero 20, 2022 | Lucas 6: 27-38

Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon?”


Ni: Reb. Padre Ricardo Aliwalas
Misyon ng Birhen Balintawak, Sucat, Paranaque

 

PANIMULA

Wala nga namang kahanga-hanga roon sapagkat wala namang pinagkaiba sa karaniwang mga tao, mabuti man o masama, na mahalin ang isa’t-isa. May kaakibat na krus at sakripisyo ang tunay na pag-ibig. Madaling mahalin ang taong hindi naman pabigat sa iyo, pero kung ang taong ito ang laging nagpapataas ng presyon ng dugo mo, tiyak na mahihirapan kang mahalin siya.

Ito mismo ang sinasabi ng Panginoon sa ating Ebanghelyo ngayon: magkaroon tayo nang higit na pagsisikap (extra effort) na mahalin pati ang kaaway. Ang paggawa nang mabuti at pagpapakita ng kagandahang-loob ang isa sa mga paraan ng pag-ibig sa kaaway. Mahirap man itong gawin, gagaan ang iyong pakiramdam kung maisabubuhay natin ito nang ganap at lubusan.

MAHALAGANG ARAL  

Hindi matatapos ang ikot ng karahasan kung ang isang kasamaan ay tatapatan ng isang kasamaan. Lalo lamang nitong palalalimin ang ugat nang hindi pagkakaunawaan. 

Mailap daw ang kapayapaan ngunit ito’y sa mga pagkakataong hindi binibigyang puwang ang kabutihan.

Likas na mabuti ang tao. Sa harap ng isang kabutihan, pinapalambot nito ang pusong ginawang bato nang galit at paghihiganti. May kapangyarihan ang isang taos-pusong pagpapakita nang kabutihan; may kapangyarihan ang matapat at mapagmahal na mga salita; may kapangyarihan ang mga ngiting nagpapahayag nang pakikipagkasundo. May kapangyarihan ang gawang kabutihan na panumbaliking maging kaibigan ang isang kaaway. Hindi nalalayo ang pagkakamit ng kapayapaan, at ito ang tunay na kahanga-hanga hindi lamang sa mata ng tao kundi lalong-higit sa mata ng Diyos.
 

HAMON

Maaaring parang magkatumbas ang ibig sabihin ng: “Gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin nila sa inyo;” sa: “Huwag ninyong gawin sa iba ang ayaw ninyong gawin sa inyo.”

Pagnilayan ninyo nang ilang beses ang kasabihang ito; pakiramdaman kung ano talaga ang dating sa inyo ng bawat isa. Una sa lahat, magkaiba ang ginagawa ng dalawang tagubilin: pinagagawa ni Hesus sa pagsasabi niya sa ating: “Gawin ninyo;” samantalang panawagan naman na “huwag gumawa sa pangalawa.” 

Ngunit paano nga ba dapat gumawa ang mga tagasunod ni Hesus? Natitiyak ba natin na magugustuhan ng ating kapwa ang gusto nating gawin nila sa atin? Marunong po dapat tayong makiramdam bilang Kristiyano upang makutuban natin ang kailangan at gusto ng ating kapuwa na magdudulot nang isang kahanga-hangang ugnayan bilang isang sambayanan ng Diyos.

Maging kahanga-hanga ang bawat isa sa atin, bilang isang Kristiyanong nagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa!

 


 

Pin It

●●●●●