KAYAMANAN NG MUNDO
Isang Pagninilay para sa ika-15 Linggo ng Pentekostes
Lucas 16:1-13; Setyembre 18, 2022
"Gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa." (Lucas 16:9)
NI: REB. PADRE DIONITO CABILLAS
Parokya ng Mabuting Pastol, Lubiran, Bacood, Sta Mesa
Ang Kabanata 16, talata 9 (Kabanata 16:9) sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas ay isang pangaral na karugtong mula sa talinghaga tungkol sa isang tusong katiwala: "At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, ‘Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan.'"
Bilang pangwakas na talinghaga, isang katuruan tungkol sa kayamanan ng tao ang ipinangaral ng Panginoong Jesus. Siya ay nagpaalaala na ang kayamanan ng tao sa mundong ito ay hindi madadala sa buhay na walang hanggan. Kung ang tiwala ng tao ay nakatuon sa kayamanan lamang sa mundong ito, hindi siya mapabibilang sa mga taong makapapasok sa "tahanang walang hanggan."
Sa mundong ito ay mayroong mga taong mayayaman at patuloy na gumagawa ng mga paraan kung paano pa nila magagamit ang kanilang kayamanan para lalong yumabong o umunlad ang kanilang buhay. Ngunit kailangan pag-isipang mabuti ang magiging bunga nang pagpapalago sa kayamanang ito sa mundo. Kung maraming kayamanan ang tao, hindi niya dapat kalimutan ang kapakanan ng kanyang kapwa.
Ang kapwa ay mahalagang matulungan at maiahon sa kahirapan. Kapag naubos ang kayamanan ng isang tao sa pagtulong sa mga mahihirap, ang taong tumulong ay "tatanggapin sa tahanang walang hanggan." Sapagkat ang pagbabahagi ng kayamanan sa kapwa na walang inaasahang kapalit kundi ang biyaya at pagpapala ng Diyos ay nagbibigay ng katuruang-buhay na nararapat lamang magkaroon nang sapat para sa ikabubuhay.
Ang buhay natin bilang mga Kristiyano ay nangangailangan nang sapat na yaman upang mabuhay at hindi maghirap. Hindi ninanais ng Diyos na magkaroon ng mga mahihirap. Sa katunayan ang Mabuting Balita ay nagpapahayag na ang mga dukha ay lalaya o aahon sa sadlak na kahirapan (Lucas 4:18-19).
Ang Iglesia Filipina Independiente (IFI) ay nagtuturo sa mga tao na maging mabuting katiwala. Ang pagiging mabuting katiwala ay mahirap gawin sa kalagayang walang pinananghawakang malaking kayamanan ang ating Simbahan. Tayo ay napabibilang sa "kapwa" na dapat makatanggap ng "mabuting gawa" mula sa mga mayayaman.
Ang katuruang ito ay hindi para sa mga taong-simbahan lamang kundi para sa pangkalahatang mga tao sa mundong ito. Kung ang kayamanan sa mundong ito ay gagamiting mabuti para sa kapwa at hindi sa pansarili lamang ng iilang mga tao, lahat sana ng kapwa-tao ay magkakaroon nang sapat na pagkukunan ng kanilang ikabubuhay.
Ngunit sa mundong ito lahat ay hindi pantay-pantay sa buhay, at lalong hindi pantay ang mga pagkakataong umunlad. Mahirap na mamuhay sa kalagayang ito na bunga ng isang agraryong lipunan at walang kaunlaran sa industriya. Ang ating lipunan ay may yamang pinagsasamantalahan ng mga dayuhan, mga panginoong nagmamay-ari ng lupa, malalaking kapitalista, at mga pinunong gobyernong maka-sarili at kawatan. Pinanatili nito ang burukrasya o patuloy na panunungkulan ng mga pinunong naka-angkla mula sa panahon pa ng Batas Militar (Martial Law) ng nakaraang ikalimang dekadang (mula Setyembre 21, 1972).
Noong panahon ng Batas Militar, maraming mga malapit na kaibigan ng pamilyang Marcos ang nakinabang sa yaman ng bayan. Nagkunwaring may malasakit sa mga mahihirap na magsasaka sa pagpatupad ng Presidential Decree No. 2 o ipailalim ang buong bansa sa repormang programa sa lupa subalit ito ay nilimitahan lamang sa lupaing palay at mais. Ang mga sakim na maylupa ay nagdeklara ng kanilang lupain ay taniman ng mga saging, pinya, goma (rubber), pastulan (ranches), minahan (mining), at pagtotroso (logging) upang makaiwas sa pagpapairal ng batas.
Ang mga negosyo o insdustriyang sakop ng "Export Processing Zones" ay itinakda para sa mga dayuhang negosyanteng nagsamantala sa mga Pilipinong manggagawang mababa ang sahod.
Nagpatuloy ito sa kasalukuyang panahon, kaya't kahit sa panahon ng pandemya (bagamat lahat ng tao ay dinapuan ng nakahahawang sakit) ay kitang-kita ang hindi pantay na pagtanggap ng ayuda, pagkakataong maghanap-buhay, pag-aasikaso ng mga doctor, at pagtanggap ng serbisyong bakuna. Maraming mga kaibigan ng nakaraang Pangulo ng bansa ang nagsamantalang kumita mula sa pagbili ng mga kagamitang-medikal at pasilidad upang ipanlaban sa pandemya.
Ang pantay-pantay na buhay at pamumuhay ay mensahe ng Sinaunang Simbahan. Ang mga unang apostol ng Panginoong Jesus ay nagbigay sa atin ng halimbawang Kristiyanong pamumuhay na magtulungan. Sa Kabanata 4 ng Aklat ng Mga Gawa ay mababasa:
"32 Nagkaisa ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol ay patuloy na nagpatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At ang masaganang pagpapala ay tinaglay nilang lahat. 34 Walang kinakapos sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kani-kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan 35 ay ipinagkakatiwala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 36 Ganoon ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus, na tinawag ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihi'y ‘Anak ng Pagpapalakas-loob.' 37 Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ipinagkatiwala sa mga apostol ang pinagbilhan.'"
Hindi nagpatuloy ang katangiang ito ng Sinaunang Simbahan dahil noong 313 AD, ginawa ang Kristiyanong Simbahan na opisyal na Simbahan ng Emperyo ng Roma. Natigil ang pag-uusig sa mga sinaunang Kristiyano subalit ang Simbahang Kristiyano ay naging Simbahan ng mga humahawak ng kapangyarihan o naging relihiyon ng Estado.
Kung susundin natin ang Panginoong Jesus na, "Gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan." Dapat pagsikapan nating baguhin ang kalagayan ng ating lipunan. Baguhin natin ang hindi pantay na kalagayan upang ang "tahanang walang hanggan" ay maging ganap sa lahat ng tao. Kapag ang kayamanan ay naubos na o wala nang nagmamay-ari ng malaking kayamanan dahil sa pantay-pantay na bahaginan sa kapwa-tao, malapit na ang kaganapan ng Kaharian ng Diyos.
Pagpalain nawa tayo ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Amen.