fbpx

MATIYAGANG PANALANGIN

Isang Pagninilay para sa ika-19 Linggo ng Pentecostes Lucas 18:1-8; Oktubre 16, 2022


Ni: Reb. Padre Severino Ismael II

Ang panalangin ay isa sa mga pinakamabisang sandata ng ating pananampalataya. Lahat ng ating pagsusumamo sa Diyos, kahilingan, at mga naisin ay sa panalangin natin idinaraan. Ito ay isang bukas na pagbibigay-alam sa ating Panginoon na nagpatitibay ng ating pananampalataya.

Dapat isama natin sa pang araw-araw na gawain ang panalangin; sa lahat ng oras at kalagayan dapat tayong manalangin -- sa panahon ng kasiyahan at kalungkutan; sa panahon ng kasaganaan at kasalatan; may panalangin ng pasasalamat at panalangin ng kahilingan.

Ang ating mga panalangin ay dapat may kaakibat na pagtitiyaga; isang kasangkapan ito upang sa gayon ay manatili tayo sa ating pananalig at hindi mapanghinaan ng loob na kung minsan sa tingin natin ay hindi yata naririnig ng Diyos. Bilang mga tao, lalo't higit sa nangangailangan, ay nakararamdam tayo ng kalungkutan sa tuwing hindi naibibigay ang ating mga kagustuhan. Kaya sa oras nang ating paghiling sa Diyos at hindi ito natugunan tayo ay agarang pinanghihinaan ng kalooban at tinatanong natin ang kapangyarihan ng Diyos. Kailangan natin maunawaan na ang Diyos ang tanging nakaaalam sa mga bagay na makabubuti para sa atin. Kung ang ating mga kahilingan ay hindi nararapat para sa atin, hindi ito tutugunan ng Diyos; bagkus pagkalolooban Niya tayo nang higit pang nararapat para sa atin. Kinakailangan lamang natin itong tanggapin at hintayin sa tamang panahon.

Kailangan nating pagkatiwalaan ang Diyos sa mga pagpapalang nakalaan para sa atin. Kung ang sariling kagusutuhan lamang natin ang ating ipipilit ay hindi natin mauunawaan ang Diyos at baka kamuhian lamang natin Siya. Sa ating bawa't panalangin ay may kaakibat na kasagutan mula sa Diyos upang ipagkaloob ito sa tamang panahon. Kaya't kinakailangang ang ating mga dasal ay may pagtitiyaga, katulad ng babaeng-balo sa talinghaga ni Hesus na sa madalas na pagpunta sa hukom upang humingi at mangulit ng katarungan, siya ay sa wakas pinagkalooban ng hukom ng kanyang ninais. Sa ating panalangin kinakailangan din natin itong paulit-ulit na idulog sa Diyos upang makita ang ating pagkasigasig at pagtitiyaga sa bawa't kahilingan. Ito ay magpakikita rin ng ating katatagan sa pagsamo at taimtim na pananampalataya.

Kaya't sa lahat ng araw ng ating buhay, matiyaga tayong manalangin sa Diyos at nawa'y ipagkaloob sa atin ang nararapat na kasagutan at biyaya ayon sa Kanyang kalooban.

 


 

Pin It

●●●●●