fbpx

September 20, 2020

LINGGO, SETYEMBRE 20, 2020
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)

Pambungad na Panalangin

Mahabaging Diyos, kung wala ang iyong kahabagan ay hindi ka namin mapaliligaya: Buong awa mo pong itulot na sa lahat ng bagay, ang Iyong Espiritu Santo ang siyang manguna at mamuno sa aming mga puso upang ang Iyong kahabagan ay siya rin naming maipagkaloob sa mga nangangailangan; sa pamamagitan ni Hesukristo na aming Panginoon, na nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos, ngayon at magpakailanman. Amen.

 

UNANG PAGBASA
Exodo 16:2-15

Pagbasa mula sa aklat ng Exodo 

At inupasala ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel si Moises at si Aaron sa ilang: At sinabi sa kanila ng mga anak ni Israel, Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Egipto, nang kami ay nauupo sa tabi ng mga palyok ng karne, nang kami ay kumakain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagka't kami ay inyong dinala sa ilang na ito, upang patayin ng gutom ang buong kapisanang ito. Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, Narito, kayo'y aking pauulanan ng pagkain mula sa langit; at lalabasin at pupulutin ng bayan araw-araw ang bahagi sa bawa't araw; upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ng ayon sa aking kautusan, o hindi. At mangyayari sa ikaanim na araw, na sila'y maghahanda ng kanilang dala, na ibayo ng kanilang pinupulot sa araw-araw. At sinabi ni Moises at ni Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, Sa kinahapunan, ay inyong malalaman, na ang Panginoon ay siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto. At sa kinaumagahan, ay inyo ngang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon; sapagka't kaniyang naririnig ang inyong mga pagupasala laban sa Panginoon: at ano kami, na inyo kaming inuupasala? At sinabi ni Moises, Ito'y mangyayari, pagbibigay ng Panginoon sa inyo sa kinahapunan ng karne na makakain, at sa kinaumagahan ng pagkain, na makabubusog; sapagka't naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagupasala na inyong iniuupasala laban sa kaniya: at ano kami? ang inyong mga pagupasala ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon. At sinabi ni Moises kay Aaron, Sabihin mo sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, Lumapit kayo sa harap ng Panginoon; sapagka't kaniyang narinig ang inyong mga pagupasala.  At nangyari, pagkapagsalita ni Aaron sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, na sila'y tumingin sa dakong ilang, at, narito, ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap. At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, Aking narinig ang mga pagupasala ng mga anak ni Israel: salitain mo sa kanila, na iyong sasabihin, Sa kinahapunan ay kakain kayo ng karne, at sa kinaumagahan, ay magpapakabusog kayo ng tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Dios. At nangyari sa kinahapunan na ang mga pugo ay nagsiahon at tinakpan ang kampamento at sa kinaumagahan, ay nalalatag sa palibot ng kampamento ang hamog. 14At nang paitaas na ang hamog na nalalatag na, narito, sa balat ng ilang ay may munting bagay na mabilog at munti na gaya ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa. 15At nang makita ng mga anak ni Israel, ay nagsangusapan, Ano ito? sapagka't hindi nila nalalaman kung ano yaon. At sinabi ni Moises sa kanila, Ito ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kanin.

 

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 2-3. 8-9. 17-18 

D’yos ay tapat at totoo sa dumadalanging tao.

Aking pupurihi’t pasasalamatan ang D’yos araw-araw, di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman. Dakila ang Poon, at karapat-dapat na siya’y purihin; ang kadakilaan niya ay mahirap nating unawain.

D’yos ay tapat at totoo sa dumadalanging tao.

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag. Banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas. Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.

D’yos ay tapat at totoo sa dumadalanging tao.

Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa; kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa. Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao. Sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.

D’yos ay tapat at totoo sa dumadalanging tao.

 

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 1, 20k-24. 27a

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos

Mga kapatid, ang aking pinakananais ay, sa mabuhay o sa mamatay mabigyan ko ng karangalan si Kristo. Sapagkat para sa akin si Kristo ang buhay at dahil dito’y pakinabang ang kamatayan. Ngunit kung sa pananatili kong buhay ay makagagawa ako ng mabubuting bagay, hindi ko malaman ngayon kung alin ang aking pipiliin sa dalawang hangarin. Ang ibig ko’y pumanaw na sa buhay na ito upang makapiling ni Kristo, yamang ito ang lalong mabuti para sa akin. Sa kabilang dako, kung mananatili akong buhay ay makabubuti naman sa inyo.

Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay ayon sa Mabuting Balita tungkol kay Kristo.

Ang Salita ng Diyos.

 

ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b

Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay.
Aleluya! Aleluya!

 

MABUTING BALITA
Mateo 20, 1-16a

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: lumabas nang umagang-umaga ang may-ari ng ubasan upang humanap ng mga manggagawa. Nang magkasundo na sila sa upa na isang denaryo maghapon, sila’y pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-iikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa liwasang-bayan. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumaroon din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumaroon nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-iikalabindalawa ng tanghali at nang mag-iikatlo ng hapon, at gayun din ang ginawa niya. Nang mag-iikalima ng hapon, siya’y lumabas uli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo tatayu-tayo lang dito sa buong maghapon?’ “Wala pong magbigay sa amin ng trabaho, e!’ sagot nila. At sinabi niya, ‘Kung ayon, pumaroon kayo at gumawa sa aking ubasan.’

“Pagtatakip-silim, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at sila’y upahan, magmula sa huli hanggang sa buong nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-iikalima ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang denaryo. At nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y tumanggap din ng isang denaryo. Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sabi nila, ‘Isang oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagpagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman po ninyo pinagpare-pareho ang upa sa amin?’ At sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo? Kunin mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang-loob?’ Kaya’t ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

 

Pagninilay

Pantay na pagtingin mula sa Diyos

Ang ating banal na ebangheliyo ay nagtuturo sa atin kung paano gumanap ang Diyos sa bawa’t  pangyayari ng ating buhay lalo’t higit sa ating paglilingkod sa Kanya. Ayon sa kwento sa ating Banal na Ebangheliyo, may isang may-ari ng ubasan at may mga ilang manggagawa ang nagtratrabaho dito, may ilang mga lingkod ang  may kasunduan sa may-ari sa halagang kikitain nila sa kanilang pagtratrabaho, at mayroong iba-iba ang oras ang kanilang simula ng pagtratrabaho. Batid natin bilang tao, sa ating panahon na ang bawat oras ng trabaho ay mahalaga at ayon sa palatuntunan ay mas mahabang oras ang trabaho mas malaki ang iyong kikitain. Ngunit sa ating kwento hindi ganito ang nangyari, ang mga lingkod na nagsimula ng umaga ay kapantay lamang ang halaga na nakuha nila sa mga nag trabaho ng tanghali at gabi. kung sa unang tingin ay hindi makatarungan ang nangyari lalo't higit sa batas na pinapairal natin bilang mga tao. Ganun pa man walang ginawang mali ang may-ari ng ubasan, sapagkat may kasunduan naman sila ng mga nagtrabaho ng maaga. sa paanong paraan natin titingnan ang pantay na tingin ng Diyos? 

Una, tayong lahat ay may karapatan makatanggap sa biyaya ng Diyos, sa lahat ng naglilingkod sa kanya at patuloy na nanampalataya ay may pagpapalang katumbas ang mga ito. lahat tayo ay pinagpapala ng Diyos sa paraan nararapat sa atin, at ito ay kasunduan natin mula sa Diyos na tayo ay patuloy na pag papalain sa ating patuloy na paglilingkod.

Ang ibat-ibang oras ng tratrabaho sa ating kwento ay maihahalintulad natin sa iba-t-ibang oras ng pag-tawag ng Diyos para ating pag lilingkod. may iilan sa atin na bata pa lang ay namulat na sa paglilingkod sa Diyos, may ilan naman na kung kailan naging asensado sa buhay at sumagana ay doon tinawag ng Diyos sa pag lilingkod at sa ibang pangyayari may ilan sa atin ang kung kailan tumanda na ay doon tinawag ng Diyos sa paglilingkod. at sa kahit anong panahon at oras ang mga paglilingkod na ito may katumbas na pagpapala at biyaya para sa lahat. hindi natin pwedeng sabihin na kung sino ang mas matagal sa paglilingkod sya ang mas maraming biyaya, hindi sinusukat ang pagtanggap ng biyaya sa oras o tagal na iyong ginanpaman na paglilingkod. ang Diyos ang siyang nagtatakda kung ano ang nararapat para sa atin, at ang pag tatakda ng Diyos ay pantay-pantay para sa lahat. 

Ang dapat natin pagtuunan ng pansin ay kung tayo ba ay nakakapaglingkod sa Diyos? nagagampanan ba natin ang ating tungkulin bilang taga-sunod ni Kristo? kung Oo, tayo ay pagpapalain ng Diyos sa pantay na pagtingin para sa lahat. ito ay isang kasunduan para sating lahat, mahalin natin ang Diyos at paglingkuran sya, at tayo ay mabibiyaan ng pagpapala.

Pin It

●●●●●