fbpx

September 27, 2020

LINGGO, SETYEMBRE 27, 2020
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ika- 17 na linggo Pagkatapos ng Pentekostes

Pambungad na Panalangin

O Diyos, ipinapahayag mo ang iyong walang-hanggang kapangyarihan sa pagpapakita ng awa at habag: Idulot mo po sa amin ang kabuuan ng iyong biyaya, upang kaming nagsisikap na tumanggap ng iyong mga ipinangako, ay maging kabahagi sa iyong makalangit na kayamanan; sa pamamagitan ni Hesukristong aming Panginoon, na nabubuhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo, iisang Diyos, ngayon at magpakailanman. Amen

 

UNANG PAGBASA
Ezekiel 18, 25-28

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.”

Ang Salita ng Diyos.

 

SALMONG TUGUNAN
Salmo 24, 4kb-5. 6-7. 8-9

Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos, ituro mo sana sa aba mong lingkod; ayon sa matuwid, ako ay turuan,ituro mo, Poon, ang katotohanan; Tagapagligtas ko na inaasahan.

Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Poon, gunitain, pag-ibig mong wagas, at ang kabutihang noon pa’y nahayag. Patawarin ako sa pagkakasala, sa kamalian ko nang ako’y bata pa; pagkat pag-ibig mo’y hindi nagmamaliw, ako sana, Poon, ay alalahanin!

Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

Mabuti ang Poon at makatarungan, sa mga salari’y guro at patnubay; sa mababang-loob siya yaong gabay, at nagtuturo ng kanyang kalooban.

Poon, iyong gunitain wagas mong pag-ibig sa ‘kin.

 

IKALAWANG PAGBASA
Filipos 2, 1-11

Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Kristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba’y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba? Kung gayon, lubusin ninyo ang aking kagalakan – maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso’t diwa. Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo huwag ipalagay na kayo’y mabuti kaysa iba. Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili. Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus: Na bagamat siya’y Diyos, hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang-tao at namuhay na isang alipin. Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, Oo, hanggang kamatayan sa krus. Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod At sasamba sa kanya. At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Ang Salita ng Diyos.

 

MABUTING BALITA
Mateo 21, 28-32

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga punong saserdote at mga matatanda ng bayan: “Ano ang palagay ninyo rito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, lumabas ka at magtrabaho sa ubasan ngayon.’ ‘Ayoko po.’ tugon niya. Ngunit nagbago ang kanyang isip at siya’y naparoon. Lumapit din ang ama sa ikalawa at gayun din ang kanyang sinabi. ‘Opo’ tugon nito, ngunit hindi naman naparoon. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Sinasabi ko sa inyo: ang mga publikano at masasamang babae’y nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at ipinakilala ang matuwid na pamumuhay, at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga publikano at ng masasamang babae. Nakita ninyo ito, subalit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

 

Pagninilay

“Pagkakaroon ng isang salita”

Ang ating banal na ebangheliyo ay nag tuturo sa atin kung paano manindigan sa lahat ng ating mga sasabihin. Sa mga salitang ating binibitawan, ito ay mananatiling salita lamang kung hindi ito makikita sa ating mga gawa sa pang araw-araw nating buhay. Marami sa atin ang nag sasabi na mahal nila ang Diyos ngunit hindi naman ito nakikita sa gawa. May mga kataga pang nasasabi na “ kahit hindi nag sisimba, atleast hindi na kakalimot”. Mga pariralang akala mo’y maganda ngunit walang kahulugan, dahil kung talagang hindi ka nakakalimot sa Diyos, gagawan mo ng oras para makapagsimba. Napaka importante ang ating salita sa buhay ngunit mas magkakaroon lamang ito ng kulay kung ito ay makikita sa ating gawa. 


Ang ating Panginoong Hesu-Kristo ang isang pinakamagandang halimbawa sa katangiang ito. Dahil lahat ng lumalabas na sa salita sa kanyang bibig ay kanyang naisasabuhay at nakikita sa kanyang pagkatao. Tayong lahat ay hinahamon ng ating Panginoon na manindigan para sa ating mga sinasabi, tayo ay hinihikayat ng Diyos na magkaroon ng isang salita.

Pin It

●●●●●