fbpx

October 25, 2020

ISANG UTOS PARA SA LAHAT

25 ng Oktubre 2020: Mateo 22:34-46
Ni: Padre Severino Ismael II

Sabi ng iba, ang pag-ibig daw ay isang pagpipili; nasasaiyo kung iibigin mo ang isang tao o hindi. Ngunit para sa ating Panginoon Hesukristo, ito ay isang utos o mandato na dapat nating sundin at gawin.

Una, kailangan nating mahalin ang Diyos nang buong puso, nang buong isip, at nang buong kaluluwa. Madali itong sabihin pero mahirap gawin at panindigan. Paminsan-minsan sa ating buhay ay nakalilimutan natin ang Diyos, lalo’t-higit kung tayo ay masagana at walang problema. Subalit sa panahon ng unos at matinding kahirapan ay saka lamang natin naaalaala ang Diyos. Tunay na pag-ibig ba ito? Katulad ng pangakong binabanggit sa araw ng kasalan ng dalawang magsasanib-buhay, ang pag-ibig ay dapat matatag sa panahon ng hirap man at ginhawa, maging sa kalusugan at sakit, at sa kasaganahan at kahirapan. Dapat tayong manatili sa ating matapat na pag-ibig sa Diyos sa lahat ng panahon at sandali. Hindi sapat ang sabihin lang na mahal natin ang Diyos; kailangang makikita ito sa lahat ng ating kilos, isip, at salita.

Maipamamalas natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagtanggap sa Kanyang mga kautusan; pagsunod sa Kanyang mga mabubuting halimbawa; at higit sa lahat, sa pagiging tapat sa pananampalataya na may kaakibat ng tuwinang pagsamba at mabuting paglilingkod sa kapuwa lalo na sa mga kapus-palad.

Pangalawa, bukod sa masidhing pagmamahal sa Panginoon, kailangan din nating maipalaganap ang Kanyang pag-ibig sa sanlibutan sa pamamagitan ng mabuting halimbawa ng pagmamahal sa ating kapwa. Ayon sa Panginoong Hesukristo, “Kung anuman ang gawin mo sa pinakahamak na taong ito, ay ginawa mo rin ito sa Akin.” Samakatuwid, ang pagmamahal natin sa kapwa ay isang patotoo ng pagmamahal natin sa Maykapal. Nararapat lamang itong ipadama sa lahat nang walang pagtatangi. Ang pag-akay at paggabay sa kanila na katuwang ang Diyos ay isang magandang uri ng pagpakilala at pagpadama ng tunay na pag-ibig ng Diyos.

Pangatlo, kung kaya nating magawang ibigin ang Diyos at ang ating kapwa, nararapat din nating mahalin ang ating sarili. Kailangan pahalagahan natin ang ating pagkatao dahil tayo ay hubog at lalang na kawangis ng Diyos. Ang hiram na buhay mula sa Maykapal ay kailangan ng pag-aruga at pagkalinga para sa ating mabuting kalusugan, kaisipan, at buong pagkatao. Alalahanin nating ang hiram na buhay ay templo rin ng Esiritung Banal, kung kaya’t sa pagmamahal sa ating sarili nararapat lamang iwasan ang mga bisyong nagdurulot ng sakit ng katawan at pagpupuyos ng damdamin na sumisira sa ating kaisipan at naturalesa. Sa ganitong paraan tunay na maibabahagi natin sa kapuwa ang pagmamahal natin sa ating sarili. Tayo ay asin at ilaw ng sanlibutan, kung kaya’t sa paglalarawan nang mabuting halimbawa ay naaakit nating lumapit ang ating kapuwa sa Diyos, at nagiging kasangkapan tayo ng Kanyang pagliligtas.

Ang Pag-ibig ay isang utos na dapat nating gawin at sundin: Mahalin natin ang Diyos at ipalaganap ang Kanyang pag-ibig sa sanlibutan.

 


 

Pin It

●●●●●