fbpx

November 1, 2020

PAGNINILAY PARA SA
DAKILANG KAPISTAHAN NG MGA SANTO

Monsignor Cesar Emmanuel R. Ballesteros

Ang Dakilang Pagkakataon na maging Santo

Gusto mo bang maging Santo? Bago mo sagutin iyan, Hayaan mo munang ipahayag ko ito: Si San Juan Bautista ay namatay dahil pinugutan ng ulo ganon din San Santiago na kapatid ni San Juan Evangelista na mga anak ni Zebedeo, Si San Pedro ay ipinako sa Krus ng pabaliktad, Si San Andres ay ipinako din sa Krus ng pa-ekis, si San Lorenzo Ruiz ang unang Pilipinong Santo ay tinusok ng mga mahahabang pako sa mga daliri, at pagkatapos sapilitang pinainom ng maraming tubig habang binubugbog ang sikmura. Kahulihan ay ibinitin ng patiwarik sa balon sa loob ng tatlong araw saka siya namatay. Marami pa sa mga Santo ang namatay ng karumal- dumal na kamatayan. Ngayon sagutin mo ang tanong gusto mo pa bang maging isang Santo? Marahil ang sagot mo ay hindi na dahil ayaw mong magkaroon ng malagim na kamatayan. Pero meron namang mga Santo na hindi namatay ng malagim na Kamatayan. Gaya halimbawa ni San Jose asawa ni Birhen Maria at San Juan Ebangelista ay namatay sa katandaan. Alam mo bang pwede rin tayo maging Santo? Kung hindi ka man kilalanin ng simbahan na isang Santo ay pwede ka ring makapasok at makarating sa bayan ng mga Santo at Santa sa kaharian ng Dios at sa Buhay na walang hanggan. Halos lahat na mga Santo o Santa ay meron ring nakaraan at sila ay hindi rin perpekto. Meron rin silang pagkukulang at pagkakamali. Huwag mong isipin na kailangan meron kang gawin pambihirang bagay bago ka maging Santo. Wala silang ginawa na hindi mo rin kayang gawin. Hindi sila extra-ordinaryong tao. Sila ay mga karaniwang tao din kagaya natin na nanindigan para sa pananampalataya. Kaya kung kaya nila, kaya rin natin. Ang tanong lang, kaya mo rin kayang manindigan para sa iyong pananampalataya. Kaya mo rin kayang sumunod sa kalooban ng Dios ng buong Katapatan hanggang sa iyong kamatayan? Dapat ang sagot mo dyan ay Oo Panginoon, susunod ako sa mg utos mo. Ano ba ang mga bagay na dapat nating gawing para mapabilang sa mga pinaghaharian ng Dios? Ang hamon sa atin ng Ebanghelio ay maging ugali at pamantayan natin ang Beattitudes. Ito ang dapat na maging "be attitude" (maging ugali) natin.

Beattitude no. 1 - mapapalad ang mga aba na wala ng inaasahan kundi ang Diyos sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.

Ugali no. 1 - Kung ikaw ay may abang kalagayan huwag kang mag reklamo at umangal. Huwag daanin sa init ng ulo ang iyong sitwasyon bagkus tatagan mo ang iyong pananalig sa Diyos upang maibsan Niya ang iyong kalagayan.

Beattitude no. 2 - mapapalad ang mga nahahapis sapagkat aaliwin sila ng Diyos.

Ugali no.2 - Kung ikaw ay nahahapis dahil sa mga nangyayari sa buhay mo. Huwag kang gagawa ng masama para lutasin ang iyong hapis. Umasa ka sa Diyos at ipaubaya mo sa Kanyang gabay para sa solusyon ng iyong hapis at ikaw ay Kanyang tutulungan.

Beattitude no. 3 - mapapalad ang mga mapagpakumbaba sa pagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.

Ugali no. 3 - Lagi kang magpakumbaba sa lahat ng pagkakataon. Hindi dapat pinaiiral ang pride at ego kasi pag iyan ang ginamit mo yayabang ka. Ayaw ng Diyos sa mga hambog. Ang nagmamataas ay ibaba at ang nag papakababa ay itataas sabi ng ating Panginoong Hesukristo.

Beattitude no. 4 - Mapapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi.

Ugali no. 4 - Sa lahat ng pagkakataon dapat ang laman ng pusot-isipan mo ay gumawa ng kabutihan sapagkat ito ang kalooban ng Dios. Kung alam mong masama wag mong gawin. Kung mabuti naman. Siyang dapat laging gawin.

Beattitude no. 5 - Mapapalad ang mga mahabagin sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.

Ugali no. 5 - Maging mahabagin kaninuman ng walang tinatangi. Kahit hindi mo kakilala ay pagkalooban mo ng awa ng ikaw ay kahabagan din ng Dios sa iyong pangangailangan.

Beattitude no. 6 - Mapapalad ang mga may malinis na puso sapagkat makikita nila ang Diyos.

Ugali no. 6 - Iwasan mo punuin ng sama ng loob, tampo galit at poot ang iyong puso, sapagkat yan ay basura ng magpapabaho ng iyong katauhan punuin mo ang iyong puso ng kalinisan at kadalisayan ng maging maganda ang iyong kalooban.

Beattitude no. 7 - Mapapalad ang gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo sapagkat sila ay ituturing ng Diyos na mga Anak niya.

Ugali no. 7 - Maging instrumento ka ng kapayapaan. Dapat sa lahat ng pagkakataon kahit na sino ang makasalamuha natin, maging daan tayo ng kapayapaan. Huwag sana tayo ang maging dahilan ng pakakagalit o pagkawasak ng isang relasyon.

Beattitude no. 8 - Mapapalad ang mga pinaguusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian. Mapapalad kayo kapag dahil sa akin ay inaalimura kayo ng mga tao, pinaguusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan, Magdiwang kayo at magalak sapagkat Malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayon din ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.

Ugali no. 8 - Huwag kang magagalit kung mayron nang-aapi, nagmumura nagagalit ,nagbabash, nanlalait o umaaway sa iyo. Huwag kang gaganti at papatol sa maling gawa nila. Ipaubaya mo sa Diyos yan. Kapag ikaw ay gumanti parehas ka rin sa kanila. Ang sabi ng ating Panginoon. Ibigin mo ang iyong kaaway. Ipagdasal ang mga taong umuusig sayo. Huwag kang padaig sa masama kundi daigin mo ng mabuti ang masama. (Roma 12:21)

Yan ang walong ugali ng Be attitude na ginamit ng mga Santo at Santa at nanindigan sila sa kanilang pananampalataya. Alam kong kaya rin natin yan. Hindi sya madali at talagang mahirap gawin. Pero hindi siya imposibleng gawin. Pero ito ang hamon sa ating mga Kristyano. Kung gusto mo mapabilang sa Buhay na walang hanggan na kung saan ang ating mga kaluluwa ay makakaroon ng ganap na kapayapaan, na wala ng hirap sakit at kapighatian, sa piling ng Dios puno ng kaligayahan at kasiyahan magpakailanman. Ito ang ating pinakamataas na mithiin (Somum Bonum - highest goal) natin, sa tamang panahon na marating natin ang kaharian ng Dios ang bayan ng mga Santo at Santa.

HAPPY ALL SAINTS DAY sa inyong lahat at naway magkita-kita tayo sa LANGIT.

 


 

Pin It

●●●●●