HANDA KA NA BA?
(Isang Pagninilay para sa ika-8 ng Nobyembre, 2020)
Ni: Reb. Padre Vincent-Marie Taguinod
Minsan, may isang deboto ng Santo Nino ang nagkaroon ng isang pangitain sa kanyang panaginip: bibisita ang Santo Nino sa kanya at kailangan niyang maghanda! Kaya naman paggising niya kinaumagahan ay kaagad-agad siyang nagplano kung paano niya paghahandaan ang kanyang pinaka-aabangang bisita. Dali-dali siyang pumunta sa palengke upang mamili nang ihahanda. Sa kanyang pagpunta ay nakasalubong niya ang isang paslit na may karungisan na nanghihingi nang makakain; at dahil siya ay nagmamadali, nasigawan niya ito at sinabihang huwag siyang gambalain. Sa kanyang pagbabalik matapos makapamili, namataan niya sa hindi kalayuan ang kanyang biyenan na kanyang kinaiinisan; nag-iisa ito at tila nabibigatan sa kanyang dala-dalahan. Nang makita siya, nginitian siya nito at kumaway. Ngunit dahil sa siya nga ay nagmamadali at may inis dito, nagpanggap siyang hindi niya ito nakita at umiwas nang daraanan. Pagdating sa bahay, hindi siya nag-aksaya nang panahon na simulan ang pagluluto para sa kanyang inaasahang bisita. Sa kalagitnaan nang kanyang paghahanda ay may narinig siyang kumakatok. Nasilip niya ang isang pulubi sa kanyang pintuan, at dahil sa siya ay abala, nagpanggap siyang hindi narinig ang kumakatok hanggang sa lumisan ito.
Nang matapos siya sa kanyang paghahanda ng samu’t-saring masasarap na pagkain, nagsimula siya sa paghihintay para sa pagdating ng kanyang bisita. Sumapit ang dapit-hapon at matatapos na ang araw ngunit bigong dumating ang kanyang inaabangan. Sa kanyang pagod, nakatulog siya at nagkaroon siyang muli ng isang pangitain. Nagpakita muli ang Santo Nino sa kanyang panaginip, at sa kanyang kabiguan ay agad niyang siningil ang Santo Nino, “Panginoon, bakit naman po Ninyo binigong tuparin ang Inyong pangako na ako ay bisitahin?” Napabuntong-hininga ang Santo Nino at ang sagot ay, “Anak, makatatlong beses akong nagtangkang kausapin ka at makaulayaw, ngunit sa tatlong pagkakataong iyon, tatlong beses mo rin akong iniwasan.”
Ang ating Ebanghelyo sa Linggong ito ay nagtatapos sa isang babala: “…magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.” Malapit nang matapos ang taon ng simbahan, at ang mga tema ngayon at sa mga susunod na mga Linggo ay magsisimula nang maukol sa mga wakas ng panahon sa pagdating ng Panginoon. Ang ating mga pagbasa ay nakatuon sa pagiging matalino sa buhay na ito at mapagmatyag. Ang tunay na matalino ay ang laging handa para sa pagdating ng Panginoon sa wakas ng panahon. Wala naman talagang nakaaalam kung kailan muling babalik ang Panginoon, kung kaya’t hindi dapat mag-aksaya ng oras sa mga mga walang-kabuluhang bagay; bagkus ay pagtuonan ng pansin ang higit na mahalaga -- ang masumpungan ang Panginoon sa lahat ng pagkakataon.
Ang pagiging handa ay ipinakikita sa pagkakaroon ng mga ilawang laging nagniningas. Ang langis sa ilawan ay sagisag nang mabubuting gawa. Ang liwanag na isinasaboy nito ay dalisay na pag-ibig. Ang tunay na matalinong alagad ay pinupuno ang kanyang buhay nang mabubuting gawa para sa kapwa upang mamalas nang lahat ang maigting niyang pagmamahal sa Diyos. Madaling sabihin na tayo ay naniniwala at may pananalig, ngunit ito ay hungkag at walang kabuluhan kung hindi ito nakikita sa ating pamumuhay.
Tulad ng limang hangal na mga dalaga sa ating Ebanghelyo, na may kanya-kanyang dalang ilawan ngunit may kakulangan sa langis, hindi sapat na masabing tayo ay Kristiyano ngunit hindi
nababanaag si Kristo sa ating buhay. Hindi natin maaaring sabihin na iniibig natin ang Diyos, datapuwat wala tayong pakialam sa paghihirap ng ating kapwa. Ang tunay na pananalig ay nagbubunga nang habag at mabuting gawa.
Katatapos lamang ng undas na kung kailan ginunita natin ang lahat ng mga mahal sa buhay na pumanaw. Ito ay nagsisilbing paalaala sa atin na tayo rin ay papanaw; na ang ating oras sa daigdig ay may hangganan. Dahil sa hindi natin alam kung hanggang kailan ang ating hininga, kailangan nating maging matalino; hinihimok tayo ng Ebanghelyo na laging maging handa upang masumpungan ang pagiging tunay na tapat at nananalig.
Tayo kaya ay tunay na handa? Kung tayo ay sa Panginoon, makikilala Niya tayo sa pamamagitan nang lakas ningning-liwanag ng ating ilawan ---ang ating pagkilala sa Kanya sa pamamagitan ng ating mga abang kapatid. Pakaingatan nating huwag mahulog sa tukso na mawalan nang gana sa ating paghahanda para sa pagdating ng Panginoon at nang sa pamamagitan ng maningning na ilawan ay mapasama tayong makapasok sa bulwagan ng kanyang kasalan.