Makibahagi ka sa kagalakan ng Panginoon
(Isang Pagninilay Para sa ika-15 ng Nobyembre 2020)
Ni: Reb. Padre Ferdinand Alvarez
Sa ating pagtatapos sa karaniwang panahon sa Kalendaryo ng Simbahan ay inimbitahan tayo nang pagninilay sa dakilang karangalan ng paggawa. Ang ating simulain bilang isang Iglesia ay sumibol sa kamay ng mga manggagawa, kaya marapat lamang na muli nating pagtuunan nang pansin ang paggawa bilang pinagmumulan nang dignidad ng isang tao at pakikibahagi sa dakilang gawain ng Diyos para sa santinakpan.
Sa Unang Pagbasa ay pinamalas ang maybahay bilang isang halimbawa nang totoo at walang halong-imbot na katapatan sa kanyang paglilingkod sa pamilya. Ang mga oras, pagod na walang katapusan at walang bayad na "overtime", walang "sick leave", "vacation leave", at wala ring "benefits" na matatanggap dahil hindi siya maaaring mag-resign. Sa Ikalawang Pagbasa ay tinatawag ni San Pablo ang mga tao para maging anak ng liwanag habang tayo ay naririto sa lupa at kasalukuyang gumagawa habang hinihintay ang pagdating ng Panginoon. Sa uri nang kagipitan na pinagdar aanan ng ating bayan ngayon sa pandemya na walang maayos na hanapbuhay ay maaaring matukso ang marami na pumasok sa pandaraya, ilegal na gawain, at masadlak sa kadiliman.
Sa Ebanghelyo ay ipinakita nang nangunang dalawang manggagawa ang pagsisikap, pag-iingat, at pagpapayaman na ipinagkatiwala sa kanila ng Panginoon, habang ang nahuli ay puno nang takot at ibinaon sa lupa ang natanggap na talento. Patuloy ang ganitong kaganapan sa larangan nang buhay ng bawat nilalang kaya’t mayroong umaasenso sa buhay samantalang ang iba naman ay nananatili na lamang na walang pangarap, nanghihingi, at umaasa kung kani-kanino-- kay kuya, kay ate, at maging sa magulang, kahit mayroon nang sariling pamilya.
Sa mga matapat na manggagawa at nagsisikap, sasabihin sa kanila ng Panginoon: “Tapat at mabuting alipin. Naging matapat ka sa kaunting halaga, kaya pamamahalaan kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan.”
links worth sharing:
- The parable of the oranges