HANDA NA BA KAYO?
Isang Pagninilay Para sa Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Rev. Fr. Dacera
Santisima Trinidad, Pasay
Sa Ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Amen.
Balik-tanaw: Humigit-kumulang isang buwan nang matapos akong ordinahan sa pagka-pari o sa pagiging alagad ng Diyos, nabigyan ako ng aking obispo nang katungkulan para magtungo sa isang parokyang itinalaga niya sa akin upang doon ako maglingkod sa sambayanan ng Diyos. Ako’y punung-puno nang inspirasyon, masigla, at inihanda ko ang sarili sa anumang pagsubok na kahaharapin.
Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ako ay napahimpil sandali sa ibang parokya natin. Naratnan ko ang ilàng kasapi ng ating simbahan, na nagmula sa ibang parokya, na huminaing na ang pari nila ay umalis dahil sa hindi nila pagkakaunawaan hinggil sa usaping-simbahan. Kaya ipinagpaliban ko muna ang aking paglalakbay patungo sa parokyang pupuntahan ko. Hinintay ko ang pagdating ng obispo na nanggaling naman sa ibang parokya na sakop din ng diyosesis na iyon. Nang makita niya ako, siya ay galit-na-galit at sinabi sa akin, “Bakit nandirito ka pa?” Ipinaliwanag ko sa kanya ang dahilan kung bakit, at noong araw ring iyon ay inihatid niya ako sa aking parokya na higit na nangangailangan ng aking paglilingkod. At yaon ang aking unang parokyang pinaglingkuran.
Sa bawat okasyon at pagdiriwang katulad ng mga pista, anibersaryo, o kaarawan, nagiging abala tayo bago pa dumating ang araw na pinakahihintay. Abala tayo at sinisiguro nating sa pagdating nang takdang-araw ay maayos at handa na ang lahat ng mga pangangailangan. Tunghayan natin ngayon ang aral ng paghahanda mula sa ating Banal na Kasulatan.
Unang Pagbasa: Ang mensahe ng ating mga pagbasa sa araw na ito ay nagsasabi sa ating ihanda ang daan ng Panginoong Hesukristo. Sa Unang Pagbasa at mga naunang talata ng ating Ebanghelyo ay halos magkahalintulad ang nilalaman na malinaw ang mensahe kung ano ang nararapat gawin ng tao: ang paghahanda ng kanyang sarili na maging malinis at walang bahid ng kasalanan. Ibig sabihin ituwid natin ang ating sarili mula sa lahat nang mga kamalian, masamang gawain, pagkukulang, at mga bagay na nagbubunga ng kasalanan. Dahil darating ang ating Panginoon na taglay ang kapangyarihan at lakas, ang gantimpala para sa kanyang mga hinirang ay nakalaan at naghihintay para sa atin. Ang ipinangako niya ay kanyang tutuparin na aalagaan niya tayo at kakalungin ng kanyang pag-ibig at pagmamahal.
Walang kapantay ang pangakong ito, ngunit binaliwala ito ng mga tao. Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, ang pangsarili lamang ang inaatupag, at kinakalimutan ang pag-asa na sa Diyos nagmumula ang lahat ng biyaya lalo na ang ipinagkaloob-buhay niya sa atin upang gamitin sa kabutihan at hindi sa pagmamalabis, pang-aabuso, at pang-aapi sa kapwa. Kaya sila ay nabubulagan sa mga bagay na hindi angkop sa kanila.
Pangalawang Pagbasa: Dito ay ating narinig ang babala sa lahat. (Basahin 2 Pedro 3: 8-15) Ito ang katotohanan: kapag may isang yumao lalo na’t bata pa sa edad, naririnig natin ang mga salitang ito, “Napakabata pa niya para mamatay; mabait pa naman.” Lahat nang papuri ay ating maririnig; subalit ang hindi lamang mapait pakinggan ay ang karugtong na pananalita, "Marami namang iba riyang masasama, magugulo, atbp., bakit hindi pa sila yaong kinuha o namatay?” Ganito ang dahilan: ang mga mabubuting tao ay handa na sa pagtuloy sa langit at ang kanilang kaligtasan ay may katiyakan na kay Kristo; datapuwat, ang mga itinuturing na sawi ay may pag-aalinlangan pa sa kanila. Hindi pa lubos ang kanilang pagsisisi at katapatan sa pamamagitan ni Kristo. Napakahaba nang kanyang pasensiya para sa kanila; kaya hindi dapat sayangin ang magandang pagkakataon o palugit na ibinibigay ng Diyos para sa pagsisisi ng kasalanan.
Ebanghelyo: Sa Ebanghelyo ngayong pangalawang Linggo ng Adbiyento ay isinasalarawan kay Juan Bautista, ang isang sumisigaw sa ilang, "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon! Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas!" Anong daraanan ang ihahanda? Anong landas ang tutuwirin?
Upang maliwanagan ng ating kaisipan at maunawaan ang mga salitang ito: tayo po ay hindi pinaglalatag ng carpet para pagandahin ang kapaligiran. Hindi rin po tayo pinagsasaayos nang mga kalsadang-sementado o lagyan ng aspalto o tambakan ang mga lubak na daan. Sa katunayan ang ating ihahanda ay ang mismong sarili at ang tutuwirin ay ang mga baluktot na gawain at pamumuhay upang hindi tayo magulantang sa biglang pagdating ng Panginoon.
Sa gitna ng kinakaharap at pakipaglalaban natin sa pandemya ng Covid-19 at mga naranasang mapaminsalang bagyo, tayong lahat ay nabigyan kaagad nang mga paunang babala at masugid na paghahanda. May mga taong sumunod sa payo at mayroon ding hindi. Ngunit pagkatapos turuang lahat, bakit may narito pa ring sisi? Tinuruan dito, tinuruan doon; subalit sisi pa rin dito at sisi pa rin doon. Hindi ba tayong lahat ay pinaghanda? Ngayon sa hindi inaasahang pagdating at walang takdang oras o araw na pagdating ng Panginoon, baka ang ilan sa atin ay iba ang sisihin o pagbintangan kung sino ang may kasalanan sa pagkawalay nila sa kaligtasan. Sa ganitong kaganapan ay walang iba ang may kasalanan kung hindi ang may pangangatawan na hindi nagpahalaga sa pagliligtas ng Panginoon sa kanyang kawan.
Kung susuriin natin ang buhay ni San Juan Bautista, mapupuna agad ang kanyang kabutihan at pagpapakumbaba. Ang pagpapakumbaba ay susi upang maunawaan ang diwa ng Adbiyento. Sa talata 6 ay sinasabi, “Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at balat ang kanyang pamigkis. Ang kanya namang pagkai'y balang at pulu't-pukyutan.” Ang kanyang materyal na pagpakumbaba sa buhay ay isang paraang pang-wakas; upang buhayin ang bokasyon na maglingkod bilang propetang nagbigay-daan kay Jesus at sa mga iba pa.
Ito rin ang ating bokasyong nagbibigay-buhay sa ating binyag mula sa kabutihan ng Panginoong Hesus. Ngayong pangalawang Linggo ng Adbiyento, magmuni-muni tayo kung paano natupad ni Juan Bautista nang may pagpakumbaba ang propesiya ni Propeta Isaias. Nangaral siya nang pagsisisi at pagpapatawad ng kasalanan. Inihanda niya ang daraanan ni Hesus nang may pagpakumbaba at sinabi niya, "Darating na kasunod ko ang isang higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi ako karapatdapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo." Alam ni Juan na ang kanyang papel ay tagapagbalita lamang para sa pagdating ng ating tagapagligtas na si Hesus. Bilang mga Kristiyano, ito rin ang ating katungkulan, bilang may kababaang-loob na tagapangalat ng balita para kay Kristo Hesus.
Kailangang mangaral hinggil sa pagsisisi ng tao; at kapatawaran at pag- ibig na nagmumula kay Hesus na may bungang kasaganaang-loob. Huwag nating sarilinin ang magandang panawagang ito nang pagsisisi; ipalaganap natin ito sa ating mga kaibigan, sa buong pamilya, at sa lahat. Wika nga nila: madaling sabihin, ngunit mahirap gawin. Ang simpleng dahilan ay hindi nila madaling hikayatin ang sarili na magpakumbaba at mangumpisal ng kasalanan. Subalit kung tutularan natin si Juan na yumakap sa pagiging alagad nang may kababaang-loob, tayo ay walang pagtatanging magiging mabuting tagapagbalita ng Panginoong Hesus.
Hamon: Sa pangalawang Linggong ito ng Adbiyento ay hinahamon tayong tumulong sa paghahanda nang daraanan ng Panginoon at tumugon sa panawagan nang pagsisisi. May nagawa na ba kayo sa paghahanda ng daan at handa na ba kayo sa matapat na pagtugon?
Sa Ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Banal na Espiritu. Amen.